Panukalang paglalagay ng mga ulat kaugnay sa badyet sa “blockchain,” hindi susugpo sa korapsyon

Hindi masusugpo ang korapsyon ng panukalang batas si Senador Bam Aquino, ang Senate Bill 1330, na naglayong gamitan ng blockchain system ang pambansang badyet upang matiyak na ang bawat pondo ng mamamayan ay masusubaybayan, tapat, madaling ma-awdit at kayang ma-akses ng mamamayan kahit anong oras.

Ang blockchain ay isang teknolohiya na gumagamit ng distributed ledger kung saan magkarugtong ang kada ‘block’ o rekord sa isa’t isa. Sa ganitong sistema, magkakaroon ng maraming kopya ang rekord ng badyet na naipapamahagi sa iba’t ibang institusyon. Dahil maraming may kopya, mas mahirap baguhin ang mga nakalagay sa rekord, dahil makikita sa ibang rekord na binago ito.

Kinutya ng Computer Professional’s Union (CPU) ang panukalang batas ni Aquino. Anito, hindi masama gumamit ng mga bagong teknolohiya para solusyunan ang mga problema ng bansa. Pero hindi din dapat umasa na ang teknolohiya ang sagot sa problema ng lipunan.

Dagdag ng grupo, kahit ano pang bagong teknolohiya ang gamitin, kung hindi maayos ang badyet sa simula pa lamang, wala ring mapapala sa pagmonitor nito. Posible pa ring magkaroon ng mga ghost project dahil madadaya ng mga kontraktor at pulitiko ang mga dokumento kagaya ng nangyayari ngayon.

Hindi rin maasahan ang paggamit ng estado ng teknolohiya. Tulad ng ng implementasyon sa automated election system sa mga nakaraang taon, na batbat ng kontrobersiya at anomalya, may tendensiya ang estado na umasa sa pribado at dayuhang kontraktor para sa ganitong mga proyekto.

Posible ring umabot sa bilyun-bilyong piso ang gagastusin para maipatupad ang blockchain technology. Kakailanganin ding mamuhunan sa digital na imprastraktura para sa epektibong implementasyon at maintenance nito. Ayon sa grupo, mas mainam na ilaan na lamang ang badyet sa batayang serbisyo.

“Nasosolusyunan ng maraming mga bansa ang problema sa korapsyon at pagbabantay sa budget na hindi gumagamit ng blockchain o kung ano pang makabagong teknolohiya. Hindi teknolohiya ang problema, kurap na opisyal at sistematikong kawalan ng pananagutan ang pangunahing kalaban natin,” paliwanag ng CPU.

Source link