Buwanang subsidyo na 10 kilong bigas, insulto para sa mga magsasaka

Naglunsad ng pagkilos ang grupong Amihan National Federation of Peasant Women, Bantay Bigas at Anakpawis Partylist noong Agosto 13 sa tapat ng Department of Agriculture (DA) upang kundenahin ang mga papogi na hakbang ng rehimeng US-Marcos sa gitna ng lumalalang krisis sa bigas. Sa pinakabagong gimik ng rehimen, bebentahan ng DA ng 10 kilo na bigas na tig-P20 kada kilo, kada buwan, ang ‘kwalipikado’ na mga magsasaka at manggagawang bukid,

Tinawag ng mga grupo na garapalang insulto at hindi makakatulong sa mga magsasaka ang naturang pakana. Itinaon ng mga magsasaka ang protesta sa unang araw ng pagpapatupad ng programa.

“Bugbog na ang mga magsasaka, lumiliit ang kanilang kita dahil sa epekto ng anim na taon nang rice liberalization law. Ang kailangan ng mga magsasaka ay mabili ang kanilang palay sa halagang P20 kada kilo hindi makabili ng P20 na bigas,” pahayag ng Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas.

Ayon sa DA, hindi dapat nagsasaka ng higit dalawang ektarya ang isang magsasaka para maging kwalipikado sa programa. Daoat din siyang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Nasa limang milyong magsasaka ng palay at manggagawang bukid lamang ang nakarehistro sa RSBSA. Sa pinaliit na estadistika ng estado, nasa 13 milyon ang rehistradong magsasaka at manggagawa sa agrikultura sa taong 2025.

Dagdag rito, sinabi ng mga grupo ng magsasaka na hindi sapat ang 60 araw na import ban para makabawi ang mga magsasaka mula sa pagkalugi. Walang kasiguruhan na ang ban ay magdudulot ng mas mataas na halaga bilihan ng palay sa panahon ng anihan. Magsisimula ang ban sa susunod na buwan.

“Ang panawagan ng mga magsasaka ay production subsidy at pagpapalakas sa produksyon para bumaba ang gastos sa pagsasaka at tumaas ang self-sufficiency o lokal na suplay para sa pangangailangan ng taumbayan,” paliwanag ng Amihan

Nananawagan ang mga grupo sa agarang pagbabasura ng Rice Tarrification Law, pagpapalakas sa lokal na produksyon at pagtigil sa lahat ng porma ng kumbersyon sa mga lupang agrikultural.

Source link