Mariing kinundena ng KMU (Kilusang Mayo Uno) ang pinakahuling pagtaas ng minimum sa sahod wage sa Northern Mindanao bilang “rurok ng kababuyan” at labis na kahungkagan ng Regional Wage Board (RWB).
“₱39 (na nga) lang ang itataas ng sahod ng mga manggagawa, kakatayin pa!” anito. “Ito ang patuloy na dadanasin ng mga manggagawa sa ilalim ng Bulok, Barat, at Makupad na Regional Wage Board.”
Ayon sa grupo, hinahatak pababa ng mga RWB ang sahod ng mga manggagawa, at dahil dito ay patuloy ang kahirapan at kawalang dignidad ng mga manggagawa.
Panawagan ng KMU, buwagin na ang mga RWB at ipatupad ang nakabubuhay na sahod sa buong bansa.
Sa abereyds, nasa ₱1,200 ang kailangang arawang sahod para mabuhay nang disente ang isang lima-kataong pamilya, ayon sa Ibon Foundation. Sa kasalukuyan, nasa ₱695 lamang ang pinakamataas na arawang minimum na sahod.
Kumpara rito, mas malala ang kalagayan ng mga manggagawa sa NMR, na tumatanggap lamang ng ₱461/araw o buwanang ₱12,000 ang mga manggagawang nasa Wage Category 1 (Cagayan de Oro, Iligan, Malaybalay, Valencia, Gingoog, El Salvador, Ozamiz, at ilang munisipalidad tulad ng Tagoloan, Villanueva, Jasaan, Opol, Maramag, Quezon, Manolo Fortich, at Lugait) at ₱446/araw o buwanang P11,600 para sa Wage Category II (para sa iba pang lugar sa rehiyon at maliliit na tindahan na may 10 pababang manggagawa).
Batay sa Wage Order No. RX-24, hahatiin pa sa dalawa ang kakarampot na dagdag-sahod na P39. Ang ₱25 ay ipatutupad sa Enero 16 habang ang natitirang ₱14 ay sa Mayo 11 pa ipatutupad. Sa ngayon, magiging P486 (Category 1) at ₱471 (Category II) lamang ang sahod. Sa Mayo pa itataas tungong ₱500 at ₱485 ang sahod sa NMR. Umaabot lamang ito sa buwanang sahod na ₱12,610-₱13,000, wala pa sa kalahati ng nakabubuhay na sahod na ₱31,200/buwan.
Noong 2025, itinaas lamang ang sahod sa rehiyon nang ₱23/araw para sa mga di-agrikultural na manggagawa. Nasa ₱35/araw naman ang idinagdag sa sahod ng mga manggagawa sa agrikultura, pero hinati din ang pagbibigay nito sa dalawang tranche.










