Ang Wawa Dam ang salarin ng pinsala sa Rizal at Maynila

Ang pagtayo ng Wawa Dam sa Rizal ang malaking salarin ngayon ng pagbaha sa Rizal at mga karatig na syudad sa Metro Manila. Malaon nang tinutulan ng mamamayan ang pagtatayo ng nasabing dam dahil sa posibleng likhaing pinsala nito oras na bumagyo. Ngunit baluktot pang ipinagmalaki ito ni Marcos Jr at ng mga nagpasimuno nito na sina Oscar Violago at Enrique Razon, bilang nagsalba daw sa Kamaynilaan mula sa baha. Ngayon, hindi maitatanggi na ang pag-apaw ng dam ang nagpalala sa bagyo para sa mga Rizaleño.

Ang San Mateo at Rodriguez ng Rizal ay ilan sa mga dumanas ng malubhang pagbaha mula sa Bagyong Crising at Habagat. Resulta nito, 4 na araw na nasa evacuation center ang maraming residente laluna sa Barangay Wawa, Rodriguez habang mahigit 2,000 pamilya ang labis na apektado at nangailangan ng tulong. Umabot ang baha hanggang sa Pasig at Marikina City ng Metro Manila, habang binaha na rin ang dating mga hindi binabahang bahagi ng lugar sa Rizal tulad ng Cainta at Morong. Hanggang noong Hulyo 23, umaapaw pa rin ang Wawa Dam.

Ang totoo ay hindi lamang pinsala mula sa Bagyong Crising ngayon at ng Bagyong Carina noong 2024 ang pinalala ng dam. Ilang taong pinsala sa buhay, hanapbuhay at paninirahan ang dinulot sa pagsisimula pa lamang ng proyekto dahil sa pagpapalayas ng WawaJVCo sa mga residente at magsasaka sa lugar. Malala pa sa delubyo ang sinapit ng libu-libong mamamayan mula sa mga barangay sa San Mateo, Montalban at Antipolo sa pangmatagalang pagkawala ng kanilang mga kabuhayan dito.

Dagdag pa, matagal nang pinalalala ang baha ng mga quarrying sa Rizal na pinahihintulutan ng lokal na pamahalaan. Dapat kundenahin at papanagutin ang DENR at ang gobernador sa pagtatanggol nila sa mga quarry na hindi daw ito ang dahilan ng pagbaha kundi ang urbanisasyon sa lalawigan at ang mga setler na ayaw lumipat sa relokasyon.

Dapat singilin ang rehimeng US-Marcos II sa pinsalang idinulot ng Wawa Dam. Hindi sasapat ang mga pinamahaging relief goods sa magiging pangmatagalang epekto ng pagkasira ng mga tanim, bahay at iba pang istruktura sa mga pamilyang apektado ng baha. Dapat palakasin ang panawagan para labanan ang pagtatayo ng mga susunod pang yugto ng proyektong Wawa Dam para pigilan ang mas malulubha pang epekto nito. Dapat patuloy na ilantad at ibalita ang mga kalamidad at pinsala na nagaganap sa Rizal, hindi lang tuwing mayroong bagyo kundi pati ang mga nailalantad na epekto ng pagbabago ng klima dahil sa pagkawasak ng kalikasan. Dapat magsilbing sariwang aral ang epekto ng pagtatayo ng Wawa Dam sa mga susunod pang pagbabalak na magtayo dambuhalang dam, upang kritikal at militanteng labanan ng mamamayan.

Source link