Alyansang ONE2WIN, binuo sa Hong Kong

Matagumpay na nabuo ang ONE2WIN (Onethousand2hundred Wage Increase Network) noong Hunyo 29 sa Hong Kong. Binuo ito ng 50 organisasyong dumalo sa isang Leaders’ Kapihan na pinangunahan ng Migrante Hong Kong.

Sa naturang pagtitipon, masiglang nagtalakayan kaugnay sa mga mayor na isyung kinahaharap ng migranteng manggagawa at mga pamilyang Pilipino sa Hong Kong. Tampok na paksa ang pagtutulak sa pagsasabatas ng ₱1200 National Minimum Wage sa Pilipinas at HK$ 6,172 nakabubuhay na sahod ng migranteng manggagawa sa Hong Kong.

Tinalakay din sa pagtitipon ang kampanya para sa pagbubukas ng Konsulado ng Pilipinas tuwing Sabado at ang iskema ng PhilHealth sa pangingikil sa mga migranteng manggagawa. Napag-usapan din ang tagumpay sa pagbabasura sa Mandatory SSS sa mga migranteng manggagawang Pilipino na lalabas sa Pilipinas sa unang pagkakataon.

Sa pagtitipon, ibinahagi ng Mission for Migrant Workers ang resulta ng kanilang sarbey na “Saan napunta ang ating sahod?” Napag-usapan din ang mga batayang karapatan ng mga migrante at paano masosolusyunan ang diskriminasyon at mala-aliping pagtrato sa mga migranteng manggagawa.

Bago magtapos, nagbuo ng resolusyon ang mga dumalong lider hinggil sa mga maiinit na isyu ng migrante at pamilyang Pilipino. Napagkaisahan din na bumuo ng pinag-isang pahayag at Letter of Appeal sa iba’t ibang antas ng pamahalaan ng Pilipinas upang kalampagin at suportahan ang panawagan sa nakabubuhay na sahod, gayundin sa gubyerno ng Hong Kong hinggil sa Living Wage Campaign ng migranteng kasambahay.

Source link