Aerial bombing at paghahamlet ng 8th ID sa Northern Samar, nagdudulot ng perwisyo

Nagdurusa ngayon ang mamamayan ng Barangay San Isidro, Las Navas, Northern Samar mula sa aerial bombing at ilang araw nang pangha-hamlet ng 8th ID sa kanilang komunidad simula pa Hulyo 31. Ang teroristang hakbang na ito ng militar ay pinalalabas na tugon sa mga engkwentro sa yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa prubinsya, ngunit batid ng National Democratic Front (NDF)-Eastern Visayas na pangunahing nakaturol sa mamamayan ang pag-atake.

Noong Hulyo 31, alas-2:30 ng madaling araw, naghulog ng mga bomba mula sa himpapawid ang 8th ID laban sa sinasabing kampo ng hukbong bayan sa Barangay San Isidro. Ginambala nito ang mga sibilyang komunidad sa palibot na lugar habang nasa kalagitnaan sila ng pagtulog.

Ang Barangay San Isidro ay ilang taon nang pokus ng todong atake ng 8th ID. Makailang-ulit na itong kinanyon, hinahalihaw at permanenteng kinampuhan ng mga pasistang tropa. Mula 2020, hindi bababa sa isang beses kada taon nagpapakawala ng mga bala ng kanyon ang 8th ID sa gubat sa palibot ng baryo. Bata-batalyong pasistang tropa ang maya’t mayang hibang na nag-ooperasyon dito.

Ang gubat sa palibot ng barangay ay pinagkukunan ng pagkain at hanapbuhay ng mga residente. Dito nangangalap ng gulay, nangangaso, nangingisda, at nangunguha ng produktong uway (rattan) hindi lamang ang mga taga-San Isidro kundi maging ang iba pang kalapit na barangay. Marami ring may sakahan sa gubat na ito at dito na mismo naninirahan.

Liban pa sa pambobomba, mag-iisang linggo nang nakapailalim sa matinding hamlet ang barangay. Idinamay rin ng 8th ID sa hamlet ang mga kalapit na mga komunidad katulad ng Barangay Imelda. Pinagbabawalan ng mga pasistang tropa ang mga residente na lumabas ng kanilang baryo, kahit pa para tumungo sa bukid at magtrabaho, magbenta ng produktong-bukid, o pumunta sa kalapit na baryo.

Sa nagdaang mga hamlet, namigay lamang ng kakarampot na 61 sakong bigas, o limang kilong bigas para sa 536 na pamilya, ang lokal na gubyerno ng Las Navas sa mga residente ng Barangay San Isidro bilang pangkunswelong ayuda sa mga hindi makapaghanapbuhay bunsod ng mga pagbabawal.

Ayon sa NDF-EV, ang limos na ito ay tumatagal lamang nang hanggang dalawang araw sa kada lima-kataong pamilya. Lubhang kulang ito lalupa’t umaabot ng ilang araw hanggang ilang buwan ang hamlet sa nasabing lugar.

“Makikita sa ginagawa ng 8th ID na hindi lamang ang BHB ang kanilang target sa panunupil kundi, lalo’t higit, ang masang magsasaka. Sa hibang na layuning sugpuin ang armadong pakikibaka ng mamamayan, buu-buong mga komunidad ang sinasalanta ng kanilang hamlet at militarisasyon,” pahayag ng grupo.

Nanawagan ang NDF-EV sa publiko, laluna sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at mga may malasakit sa mga magsasaka, na tulungang ilantad ang epekto ng todo-gera ng 8th ID. “Palakasin natin ang panawagan ng mga magbubukid para sa tunay at pangmatagalang kapayapaan, at hindi ang huwad na kapayapaan na iniilusyon ng rehimeng Marcos,” anito.

Hinimok naman ng rebolusyonaryong grupo ang mamamayan ng Las Navas na magkaisa, matapang na ilantad ang dinaranas na kalagayan at labanan ang pagmamalupit ng pasistang militar. “Kailangan nilang umasa sa sarili nilang lakas upang igiit ang kanilang mga karapatan,” dagdag nito.

Source link