Matapos ang apat na araw na protesta at sama-samang pagkilos, natulak ng mga bilanggo ng Negros Occidental District Jail-Male Dormitory (NODJ-MD) sa Barangay Tabunan, Bago City, Negros Occidental na magbitiw sa pwesto ang abusadong si Warden JCINSP Atty. Crisyrel P. Awe, DSC noong Agosto 28 ng hapon. Sinimulan ng higit 600 bilanggo ang kolektibong aksyon noong Agosto 24.
Ang pagkilos ay tugon nila sa patung-patong na mga kaso ng paglabag sa kanilang karapatan sa loob ng bilangguan sa pangunguna ni Awe. Unang inilunsad ng mga bilanggo ang pagboykot sa mga aktibidad ng bilangguan katulad ng mga reliyosong pagtitipon, mga klase sa Alternative Learning System, trabaho sa paglilinis, at iba pang mga gawain.
Noong Agosto 28, nagsagawa na sila ng kalampagan at protesta na tumagal ng walong oras. Sa unang mga oras ng demonstrasyon, pinaulanan ang mga bilanggo ng rubber bullet, ginamitan ng tear gas at binantaang gagamitan ng water cannon. Pinutol ang kuryente sa kanilang mga dormitoryo.
Dahil sa paninindigan ng mga bilanggo, nagkaroon ng ng dayalogo sa pagitan ng kanilang mga lider, ni Awe, kinatawan ng Bureau of Jail Management and Penology Negros Island Region (BJMP-NIR), mga taga-Commission on Human Rights (CHR) at ilang abugado. Nagbitiw si Awe pagkatapos nito.
Kabilang sa mga batayan ng pagpapatalsik kay Awe ang mga kaso ng panggigipit at intimidasyon sa mga lider ng bilanggo, hindi pagtupad sa naunang mga kasunduan sa kanila, hindi makatarungang isolation at iregularidad sa ipinatutupad na sistemang cashless sa bilangguan. Dumanas rin sila ng pagkaunti ng rasyon ng pagkain, pagbabawal sa mga bisita, pagpapatigil ng mga programang pangkabuhayan sa loob ng bilangguan at pagtatanim ng gulay, at pagkakait ng akses sa gamot at serbisyong medikal.
Umani ng suporta mula sa iba’t ibang mga grupo, maging mga lider-relihiyoso, ang pagkilos ng mga bilanggo. Noong Agosto 28, nanawagan ang mauupong tagapangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Social Action, Justice, and Peace at San Carlos Bishop Most Rev. Gerardo Alminaza ng gabi-gabing pagdadasal para sa mga bilanggo at kanilang panawagan.
Sa araw ng pagkilos ng mga bilanggo, sumuporta at nagpiket sa labas ng bilangguan ang kanialng mga pamilya. Noong Agosto 29, nagsagawa naman ng misa ang Human Rights Advocates Negros (HRAN) sa harap ng bilangguan bilang pagsuporta sa laban ng mga bilanggo. Hinimok ng grupo ang BJMP na ipagpatuloy ang masusing imbestigasyon sa mga patakarang ipinatupad ni Awe at muling pag-aralan ang mga ito.
Ang NODJ-MD ay mayroong 31 dormitoryo kung saan 24 dito ang regular na dorm, 6 ang insular dorm na tinutuluyan ng mga nahatulang maysala, at isa ang isolation dorm. Kabilang sa mga nakakulong dito ang 24 na bilanggong pulitikal katulad ni Fr. Frank Fernandez.











