Pamamaril kay Regan Jarlego, Pinabubulaanan ng Celso Minguez Command

Upisyal na Pahayag | Hunyo 22, 2018

Mariing pinapabulaanan ng Celso Minguez Command-BHB Sorsogon ang pamamaril umano ng yunit ng BHB kay Regan Jarlego at sa kanyang asawa nitong Hunyo 20, bandang alas-8 ng gabi sa Brgy. Sumal-ot, Casiguran, Sorsogon.

Ang mag-asawang Jarlego ay pawang mga sibilyan at walang kaso sa rebolusyonaryong kilusan at sa mamamayan. Walang dahilan upang maging target sila ng BHB, malayo sa ipinangangalandakan ng mga teroristang 31st IBPA. Malinaw sa bawat mandirigma at mamamayan na ang lehitimong target lamang ng BHB ay yaong mga elemento ng AFP, PNP, mga aktibong impormer at mga indibidwal na may mabibigat na kaso sa rebolusyonaryong kilusan at sa
sambayanan. Mataas na pinanghahawakan ng bawat mandirigma ng CMC ang pangangalaga sa mga sibilyan na hindi direktang kalahok sa digmaan batay sa nakasaad sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL, International Humanitarian Law at sa sarili nitong mga patakaran hinggil sa wastong aktitud at disiplina sa rebolusyonaryong kilusan.

Ang gasgas na propagandang katulad nito ay hindi na bago para sa mamamayang Sorsoganon. Isa lamang ito sa disperadong hakbangin ng PNP katuwang ang 31st IBPA upang siraan sa publiko ang BHB. Hindi na nila kailanman malilinlang ang mamamayan, kilala ng mga Sorsoganon ang katangian ng kanilang hukbo na nagtataguyod ng kanilang demokratikong interes.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Labanan ang Oplan Kapayapaan ng Rehimeng US-Duterte!
Mamamayan sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Samuel Guerrero
Tagapagsalita
CMC NPA-Sorsogon