PRWC » Pamamaril ng sundalo sa Catbalogan City, larawan ng kultura ng karahasan, pang-aabuso at pasista-sa-kaibuturan na katangian ng AFP

Mariing kinukundena ng National Democratic Front-Eastern Visayas ang ginawang pamamaril ng isang lasing na elemento ng Alpha Company ng 43rd Infantry Battalion, Philippine Army na ikinasugat ng dalawang sibilyan sa Barangay 13, Catbalogan City noong Hulyo 21, alas-6 ng gabi.

Isa lamang ito sa mga tampok na kasong nagsasangkot sa isang sundalong abusado at lasing. Noong Marso 2 lamang ay pinagbabaril ng isa ring lasing na sundalong nakatalaga sa hedkwarters ng 8th ID ang dalawang sibilyan sa Barangay Dalakit, Catarman, Northern Samar na ikinamatay ng isang sibilyan at ikinasugat ng kapatid ng namatay. Ipinapakita ng mga insidenteng ito hindi lamang ang mapang-abusong katangian ng mga elemento ng 8th ID, kundi maging ang arogansya at pagiging sanay sa kawalang pananagutan ng reaksyunaryong hukbo. Maliban sa lasing, sa halip na pakinggan ang puna ng masang sibilyan kaugnay sa kaayusan sa pagpaparada ng sasakyan, ang pasistang tropa sa Catbalogan ay aroganteng tumugon ng pagpapaputok at pamamaril.

Hindi bago sa mamamayan ng rehiyon lalo na sa kanayunan ang ganitong asal ng mga elemento ng 8th ID. Sa mga lugar na nakapakat ang mga yunit ng RCSP, araw-araw na nararanasan ng masang magsasaka ang arogansya at kawalang pananagutan ng reaksyunaryong hukbo. Maliban sa paglalasing, nangungunang tagapagwasak ang mga ito ng mga kaayusan sa loob ng komunidad na kolektibong ipinundar ng mga residente at pinagtibay sa pamamagitan ng mga ordinansa.

Pasimuno ang mga sundalo sa pagtutulak ng mga anti-sosyal na aktibidad tulad ng pagsusugal, pagdudroga, pangunguryente sa mga sapa at ilog, at pagsasamantala sa kababaihan. Malaya ang mga dayong sundalo na lumabas-pasok sa komunidad samantalang sinisikil at nililimitahan nito ang pang-araw-araw na aktibidad ng masa laluna ng mga magsasaka na naghahanapbuhay. Inoobliga mismong mga lokal na residente na mag-logbook sa tuwing lalabas at papasok sa kanilang barangay at pinagbabawalan o nililimitahan silang lumabas para maghanapbuhay. Ang pang-aabusong ito ay inirereklamo ng masa ngunit tinutugunan ito ng paninindak, pananakot, red-tagging at hanggang sa pagpatay.

Sa buong rehiyon, hindi bababa sa 100 kaso ng pagpatay at tangkang pagpatay ang naitala noong 2018-2025 kung saan sangkot ang mga sundalo ng 8th ID na nakabiktima ng 151 sibilyan. Kabilang sa mga biktima ay mga menor de edad, mga opisyal ng barangay at kababaihan. Ang mga kaso ng pagpatay at tangkang pagpatay ay ginawa sa iba’t ibang anyo tulad ng estilong “tokhang,” pagdukot bago patayin at pang-iistraping. Kabilang sa mga pinakahuling biktima nito ay ang menor de edad na si Jason Padullo Grafil na pinababaril ng mga elemento ng 63rd IB sa Pinanag-an, Borongan, Eastern Samar noong nakaraang taon. Habang nito lamang nakaraang buwan ay naiulat ang pagpapaputok ng 3 round ng M203 sa sibilyang si Olid Yanay ng Paco, Las Navas, Northern Samar.

Ang karahasan, pang-aabuso, kawalang pananagutan ay sumasalamin sa pasistang katangian ng 8th ID. Nanunuot ang ganitong kultura sa kalakhan ng elemento nito at bilang isang istruktura at organisasyong nagsisibli sa mapagsamantalang naghaharing uri na kinakatawan ngayon ng rehimeng Marcos. Maitatakwil, malalabanan at mababago lamang ito sa pamamagitan ng determinado at sama-samang pagkilos ng mamamayan hindi lamang para ilantad ang mga pang-aabuso at karahasan at panagutin ang mga pasista, ngunit higit lalo ay sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyon ng mamamayan. Sa gayon maitatayo at mapalalakas ang tunay na hukbo ng mamamayan na dudurong sa reaksyunaryong hukbo, maisusulong ang hustisyang panlipunan, at maipagtatanggol ang demokratikong karapatan ng mamamayan.

Source link