Ang Bayan Ngayon » Kumperensya para sa kalayaan at karapatan, inilunsad ng mga Filipino-American sa US

Matagumpay na inilunsad ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) USA, Migrante USA, at Malaya Movement USA ang pinakamalaking pampulitika na pagtitipon ng mga Pilipino sa US.

Tinaguriang “Kalayaan Summit People’s Conference,” nasa mahigit 1,000 mga Pilipino na kumakatawan sa daan-daang organisasyon mula sa iba’t ibang panig ng US ang dumalo sa pagtitipon. Inilunsad ang aktibidad sa makasaysayang Immanuel Presbyterian Church sa Los Angeles, California.

Sa kumperensya, tinalakay ang pinakamahahalagang suliranin ng diaspora — mula sa iligal na pagdakip at detensyon ng Immigration and Customs Enforcement at paglabag sa karapatan ng mga manggagawa sa mga industriyang may maraming Pilipino, hanggang sa pagpapalakas ng militar ng US sa Asia-Pacific at nagpapatuloy na mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.

Dumalo din sa summit ang mga manggagawa mula sa mga industriyang may mataas na konsentrasyon ng mga Pilipino, partikular ang sa healthcare, caregiving, at food service. Pangunahing isyu ng mga manggagawa ang mababang sahod at kakulangan sa kaligtasan sa lugar ng trabaho.

Nagpalitan ang mga kalahok ng mga aral sa pagkamit ng mg tagumpay sa mga laban sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at tinalakay ang “People’s Blacklist,” isang kampanya para ilantad sa publiko ang mga abusadong employer at ang kanilang mga kasabwat sa gubyerno ng Pilipinas.

“Ang People’s Blacklist ay hindi lang listahan ng mga pangalan. Ito ang mga tinig ng mga manggagawang pinatahimik…hindi dapat kailanman mamili ang mga manggagawa sa pagitan ng kanilang dignidad at kabuhayan. Isang kasangkapan ang PEople’s Blacklist para baguhin ito,” paliwanag ni Jay Tino, lider ng mga caregiver at tagapangulo ng Migrante San Francisco.

Bumuo ang mga kalahok ng isang “Unity Statement” na nagsuma sa mga talakayan sa summit at ilatag ang susunod na hakbang.

“Ipinapahayag namin na ang mga pakikibaka ng ating diaspora laban sa pagsasamantala sa paggawa, trafficking, pang-aabuso, kawalan ng matitirhan at pagkain, pagkakakulong at deportasyon, at militarisasyon ay nakaugnay sa pakikibaka laban sa sapilitang migrasyon at sa mga sistemang inuuna ang tubo kaysa sa buhay ng mamamayan—kaugnay rin ito ng pakikibaka para sa lupa, kabuhayan, at karapatang manatili sa ating inang-bayan, ang Pilipinas,” ayon sa pahayag.

Protesta sa konsulado ng Pilipinas sa Los Angeles

Nagtapos ang summit noong Hunyo 29 sa isang martsa patungo sa Philippine Consulate General sa Los Angeles, kung saan nanawagan ang mga grupo ng tulong para sa mga migranteng Pilipinong nakakulong, pagwawakas sa pagmamatyag sa mga aktibidad ng komunidad, at pagpapatigil sa paggamit ng teritoryo ng Pilipinas para sa mga digmang agresyon ng U.S.

Nasa mahigt 400 ang lumahok sa pagkilos. Kasabay nito, pumasok sa loob ng konsulado ang mga kaanak ng mga biktima ng detensyon ng ICE, mga caregiver at delegado mula sa mga progresibong grupo upang igiit ang akses sa Assitance to the Nationals at humingi ng hustisya para sa mga caregiver na biktima ng pang-aabuso at pagnanakaw ng kanilang sahod. Sa halip na harapin sila, pinagsarhan sila ng pinto at nagtago ang mag istap sa loob ng kanilang mga upisina. Nagpatawag pa ng anim na gwardya at pulis para itaboy ang mga kaanak at delegado.

“Hindi ako magpapasindak… Mga nanay lang kami. Bakit nila kami tinataguan? Bakit kailangan nilang tawagin ang mga pulis?” pahayag ni Tita Gloria, ina ni Jonathan, isang Pilipinong ikinulong ng ICE.

Ayon sa Migrante USA, patunay lamang ito na walang interes ang gubyerno ng Pilipinas sa mamamayan nito.

Source link