Walang dahilan upang ipagdiwang ng mga Mindoreño at ng buong sambayanang Pilipino ng ika-80 taong anibersaryo ng Filipino-American Friendship Day ngayong Hulyo 4. Mula’t sapul hindi magkaibigan ang relasyong namagitan sa Pilipinas at US kundi isang relasyon ng amo at alipin. Ang gobyernong Pilipino mula ng naitayo ito ay nanatiling papet ng imperyalismong US.
Walang tunay na pagkakaibigang mabubuo sa makahayop na gerang agresyon ng US na nagsimula noong 1899 sa kolonyal nitong pananakop sa bansa. Sa pagpasok pa lang ng US sa Pilipinas, mahigit 250,000 na ang namatay sa digmaang Pilipino-Amerikano (1899-1902) sa panahong iilang milyon pa lang ang populasyon ng bansa. Itinayo nito ang gobyernong Komonwelt (1935) bilang diumano pagsasanay ng Pilipino para pangasiwaan ang sariling gobyerno na sa katunayan ay pagsasanay ng papet na mga burukrata. Pansamantalang iniwan ng US ang bansa sa pagputok ng ika-2 digmaang pandaigdig (WWII) upang depensahan ang iba nitong kolonya. Hinayaan nitong ipagtanggol ng mga Pilipino ang sarili sa pananakop ng Hapones at itinayo ng sambayanang Pilipino ang Hukbalahap (Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon) sa pamumuno ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas. Nang bumalik ang US sa Pilipinas matapos ang WWII, pormal nang itinayo ang republika noong Hulyo 4, 1946 sa takot na lumaganap ang anti-imperyalistang pakikibaka ng mamamayan at lumalim ang makabayang diwa ng mga Pilipino. Taktika ito upang linlangin ang mga Pilipino na napagbigyan ang kahilingan para sa kalayaan. Sa panahong ito, may sapat ng kwerpo ng mga burukratang sinanay at maasahang tagapagataguyod ng interes ng US. Tiniyak din nitong may sapat na opisyal militar at makinaryang militar at pandepensa na nangangayupapa sa US at nasa kontrol ng JUSMAG.
Ang Hulyo 4, 1946 ang hudyat ng pagkakatatag ng papet na republika at simula ng pagiging malakolonya ng ating bansa. Makalipas ang 80 taon, nag-iibayo ang imperyalistang pandarambong at makahayop na panunupil at kontrol ng US sa bansa.
Isang parasitiko ang imperyalismong US. Upang isalba ang sarili sa krisis ng labis na produksyon na likas sa monopolyo-kapitalistang sistema, nagmamaniobra ito upang nakawin, kontrolin at ubusin ang yaman ng ibang mga bansa. Para magawa ito, walang tigil na nang-uupat ng digma at nanghihimasok ang US sa mga atrasadong bayan at maski sa mga kapwa imperyalista.
Sa Pilipinas, pinahihigpit ng US ang kontrol nito sa produksyon at kalakalan sa layuning sairin ang yaman ng bansa. Lalo nitong binabansot, binubulok at winawasak ang atrasadong ekonomya ng bansa na mula’t sapul iginapos na ang ekonomiya at panlabas na kalakalan sa dikta ng US.
Tingnan na lamang ang epekto sa bansa ng krisis sa langis na binunsod ng pag-atake nito sa Iran: Bukod sa matarik na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lumobo rin ang gastos sa lokal na produksyon. Ang mas mataas na gastos sa produksyon ay nagtutulak sa pagliit ng kapasidad sa produksyon, pagliit ng netong kita o di kaya’y sukuan nang tuluyan ang kanilang kabuhayan. Habang lumiliit ang lokal na produksyon, humihigpit ang pagkatali ng ating bansa sa imported na mga produkto at serbisyo. Lalong nalulumpo ang lokal na ekonomya habang tumutubo naman ang mga dayuhan at mga lokal na negosyong pagmamay-ari ng malalaking panginoong maylupa (PML), burgesya komprador (MBK) at matataas na burukrata. Damang dama ito ngayon sa Mindoro laluna’t nagsisimula na ang pagtatanim ng palay.
Larawan ng pangangayupapa ni Ferdinand Marcos Jr. sa pang-ekonomyang agenda ng US ang sukdulang pagbubuyangyang sa lahat ng likas na yaman ng bansa. Sa pamamagitan ng mga patakaran ni Marcos Jr. gaya ng 99 year land lease, natanggal na ng US ang natitirang proteksyon ng batas sa patrimonya at soberanya upang magawa nito ang todong pananalasa sa ating mga likas na yaman, kalupaan, katubigan at lakas paggawa.
Nitong Abril, pinirmahan ni Marcos Jr. ang kasunduang Pax Silica. Ang Pax Silica ay isang alyansa ng mga bansang pinamumunuan ng US na binuo upang matapatan nito ang diumano’y monopolyo ng China sa produksyon at pag-proseso ng mga bakal at rare earth minerals. Ang Pax Silica ay may susing papel sa pagpapalaki ng produksyon ng US ng mga modernong armas pandigma. Inilako sa Pilipinas ang Pax Silica bilang pagpapaunlad sa kakayanan ng bansa na mag-proseso ng mga mineral, laluna ng copper, nickel at anumang rare earth mineral. Matapos maproseso ang mineral, tanging mga toxic waste ang tiyak na maiiwan sa ating kalupaan at maaring maging peligro pa sa kalusugan ng mga mamamayan.
Isa ang Mindoro sa inihahain ni Marcos Jr sa mga imperyalista na dambungin para sa mina laluna’t nauna nang itinakda ng kanyang rehimen ang rehiyong MIMAROPA bilang prayoridad na pagkukunan ng yamang mineral. Wala itong ibang idudulot kundi perwisyo sa masang Mindoreño: Asahan sa darating na mga panahon ang pagdami ng kaso ng pangangamkam ng lupang sakahan at lupang ninuno para sa mina at iba pang pagpapalit-gamit ng lupa (land use conversion o LUC). Nariyan din ang mapanganib na epekto ng pagkasira ng kalikasan gaya ng mas matinding pagguho ng lupa at pagbaha at pagkalason ng mga sapa, ilog at iba pang pinagkukunan ng tubig ng mga Mindoreño.
Sa Mindoro, umiiral ang malupit na militarisasyon kung saan may mga proyektong ipinapasok ang dayuhan at lokal na naghaharing uri kasabwat ang gobyerno. Nariyan ang militarisadong pamayanan ng mga Mangyan-Buhid sa Rizal at San Jose para sa tinatayong Lipitan Small Reservoir Irrigation Project. Tampok din ang pandarahas, pananakot at panggigipit ng mga pulis at militar sa mga Mangyan-Iraya sa Malatabako sa Abra de Ilog dahil sa eko-turismo at mga plantang nais itayo dito ng monopolyong kapangyarihan ng mga Montenegro. Inaatake ng MCSP ng 203rd Bde ang Guinobatan sa Calapan City kung saan lumalaban ang mga residente sa pang-aagaw ng kanilang lupain na dati nang naisailalim sa CARP. Patunay din ang pagtutulak ng rehiman na muling buksan ang Mindoro Nickel Project sa Sablayan-Victoria kung saan nakatalaga ang mga batalyon ng 76 IB at PNP-MIMAROPA. Kaliwa-kanan ang kasong sampa ng mga PML-MBK laban sa mga katutubo at magsasaka upang palayasin sila sa mga lupaing nais nitong kamkamin na mahigpit na nakakoordina at pinoprotektahan ng mersenaryong AFP-PNP at gamit ang mga korte.
Bahagi ito ng walang tigil na paghahanda ng US para sa mas malalaki at madudugong gerang ipuputok nito ngayon at sa susunod pang mga taon. Sa kasalukuyan, inilulunsad ng US ang gerang agresyon laban sa Iran, Palestine, Venezuela at marami pang lugar sa daigdig. Sa Pilipinas, sinusuhayan nito ang brutal na digmang paniniil, at tahasang nanghihimasok upang bigyang daan ang pandarambong at patatagin ang paghahari nito sa ating ekonomya, pulitika at militar.
Ang mga tagibang na kasunduang pandepensa tulad ng Mutual Defense Treaty, ang Visiting Forces Agreement, Enhanced Defense Cooperation Agreement ay mga kasunduang hindi mutwal, ni hindi kusang loob na pakikipagkasundo kundi isinalaksak sa bansa sa pamamagitan ng papet na estado ng Pilipinas. Nagsisilbing isang malaking kampo militar ng US ang Pilipinas sa Asya-Pasipiko at ang mga imprastruktura, ekonomiya at sistemang panlipunan nito ay hinuhulma niya sa balangkas ng planong ito.
Ang US ang utak sa likod ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ni Marcos Jr at AFP-PNP. Ito ang pinabangis na gerang panunupil na ipinatutupad upang supilin at gupuin ang paglaban ng mamamayan para sa kanilang mga karapatan at para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Ang panunupil sa mamamayang Pilipino ay ekstensyon at bahagi lang din ng digmang pinaghahandaan ng US laban sa China at iba pang karibal nito sa pandaigdigang paligsahan sa pang-ekonomiya at pampulitikang hedyemonya. Kinakailangan ng US na ganap na madurog ang pakikibaka ng mamamayan sa Pilipinas, lalo na ang kanilang rebolusyonaryong armadong pakikibakang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas at inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) upang todong maipihit ang AFP laban sa China. Hinahabol ni Marcos Jr ngayon na durugin ang rebolusyon bago matapos ang kanyang termino kung kaya’t ipinapailalim ang mamamayan sa todo largang terorismo ng estado.
Mukha ng desperasyon ng US at mga lokal na ahente nito ang sukdulang terorismo sa Mindoro at sa buong bansa. Lantaran nang binibitawan ng US ang pagpapanggap nito bilang kaibigan at pinangangalandakan ang sarili bilang numero unong mandarambong, terorista at naghahari sa Pilipinas. Habang mas nagiging garapal, inilalantad ng US ang sarili bilang nangunguna at pinakamalaking kaaway. Kung gayon, inaakit din ng US at mga tuta nito ang galit at paglaban ng masang api sa Mindoro, sa Pilipinas at sa buong mundo.
Walang ibang kauuwian ang US at ang rehimen ni Marcos Jr. kundi kabiguan. Habang lalong naghihirap, lalo ring namumulat ang masang Mindoreño at ang sambayanan. Nakikilala nila ang kanilang tunay na kaaway: Ang US at si Marcos Jr., ang mga lokal na burukrata kapitalista, malalaking panginoong maylupa, at malalaking burgesya komprador.
Sa ganitong kalagayan, makatarungn lamang na ipagpatuloy ang pagtatanggol ng soberanya at patrimonya ng bansa. Maisasakatuparan ito sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon na sinimulan pa nina Andres Bonifacio ng KKK at nagpapatuloy sa bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryo. Sa pagkakataong ito, hawak ng CPP-NPA-NDF ang pambansa-demokratikong programa na bagong tipo upang lubusin ang tagumpay ng paglaban para sa tunay na kalayaan, demokrasya at panlipunang katarungan.











