PRWC » Hindi lalaya ang LGBTQ+ kung di-malaya ang sambayanan

Ginugunita ngayon sa buong daigdig ang makasaysayang Stonewall Riot sa Amerika noong 1969 na bunsod ng reyd ng pulisya sa isang bar ng bakla sa New York City. Nagtulak ito sa mga protesta na tumagal nang isang linggo at mula noo’y naging tradisyon taon-taon para sa tinatawag na Pride March.

Ang pagkilala ng rebolusyonaryong kilusan sa papel ng LGBTQ+ community sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya ay malalim na nakaugat sa tunggalian ng uring inaapi at uring nagsasamantala. Katulad rin ito ng mahalagang papel ng kilusan ng kababaihan para sa pagpapalaya ng buong lipunan.

Sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos II lalong sumahol ang kalagayan ng komunidad ng LGBTQ+ sa dobleng talim na paghihirap sa pagbalikat sa krisis na dulot ng malakolonyal at malapyudal na kaayusan, kasabay ng diskriminasyong patriyarkal sa kanilang karapatan at pagkatao. Kahit sa mga nagdaang rehimen, lalo na sa panahon ni Duterte, walang kaparis na kaapihan at panlilibak ang kanilang dinanas.

Hindi nakakapagtaka na sa panahon ding ito lumakas ang progresibong kilusan ng LGBTQ+ at marami sa kanila ay lumahok sa armadong pakikibaka na inilulunsad ng CPP-NPA, kunsaan sabay nilang nagagawang isulong ng makauring interes at unti-unting kamtin ang pantay na pagkilala sa kanilang mga piniling kasarian.

Sa Timog Katagalugan, nagkakailang opisyal ng Bagong Hukbong Bayan sa nakaraang mga dekada ay nagmula sa LGBTQ+ community na mahusay na namuno at nagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan kahilera ng kapwa nila iba pang rebolusyonaryo mula sa uring anakpawis.

Nanguna sila sa pagpapalakas ng mga samahang magsasaka, paglulunsad ng rebolusyong agraryo na nagpabuti sa kabuhayan ng anakpawis sa kanayunan, at sa mga aksyong militar ng NPA para labanan ang pasistang tropa at ipagtanggol ang mga magsasaka at aping mamamayan sa kanayunan. Pinaglilingkuran nila ang mga manggagawa, mala-proletaryado at petiburgesya para sa kanilang karapatan. Kabalikat sila ng buong rebolusyunaryong kilusan sa pagharap at pagbigo sa ngipin-sa-ngiping digma na inihasik ng mga nagdaang rehimen na ngayo’y pinabangis sa ilalim ng NAP-UPD o National Action Plan for Unity, Peace and Development.

Sa loob ng Hukbong Bayan at rebolusyunaryong kilusan sila ay mga proletaryong guro, medik, kumander, mandirigma, propagandista at opisyal pampulitika na natutong lumabas sa bakod ng usaping kasarian at sekswalidad. Natututunan nila na laging nauuna ang makauring paglaban higit sa lahat, bago ang anumang kasarian, kulay o lahi.

Markado ng alaala ng mga kasamang martir mula sa LGBTQ+ community na nagpatunay na lumahok sila sa digmang bayan hindi dahil lamang sa kanilang mga piniling kasarian.

Si John Carlo “Ka Yago/Iñigo” Alberto Capistrano ay veterinary medicine student na namulat sa mapaniil na kalagayan sa lipunan, namartir siya sa Laguna noong 2019. Si Jethro Isaac “Ka Pascual” Ferrer ay propagandista na isinanib ang kanyang husay sa armadong paglaban ng katutubong Mangyan sa Mindoro hanggang sa huling hininga noong 2023. Si Gary Cornel ay manggagawa na nakipamuhay sa mga mag-uuling ng Cavite. Si Roval “Ka Ilor” Valerio ay isang guro na naging Pulang kumander ng BHB sa dulong Quezon.

Inaalala din ang kagitingan nina Ian “Ka Ben” Maderazo na kadreng pamprobinsya ng Quezon; Ruben “Ka Sarah” Villaflores na opisyal sa lohistika ng BHB; Lilibeth “Ka Moc” Donasco na opisyal medikal; Josephine “Ka Ella” Lapira; Allyssa “Ka Ilaya” Lemoncito; Royce Jethro “Ka Alex” Magtira, Felimon “Ka Nick” Carabido; Kevin Cedrick “Ka Facio” Castro; Joel “Ka Wilfred” Pangilinan; Christine “Ka Billy” Estocado; at Queenie Loricel “Ka Kira” Daraman.

Nakikiisa ang Melito Glor Command sa Pride Month sa taong ito, laging bukas ang mga larangan ng Bagong Hukbong Bayan sa Timog Katagalugan sa LGBTQ+ community na iambag ang kanilang lakas, panahon at talino para sa paglaban ng mamamayang Pilipino. Magiging ganap lamang ang karangalan ng bawat isa kung maibabagsak ang pasistang rehimen at ang tatlong salot na lumulukob sa kalayaan ng bansa.

Source link