PRWC » Pagkaladkad sa mga lokal na gubyerno sa imperyalistang gera ng US sa Asia

Ipinakakaladkad ng papet na rehimeng Marcos sa kapahamakan at panganib ng imperyalistang gera ng US ang mga lokal na gubyerno sa paglulunsad ng Inter-Agency Territorial Defense Operations Exercise (ITDOEx). Isa itong war games ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tinatabingan ng katawagang “pagtutulungang militar-sibilyan” sa panahon ng matinding krisis at sakuna.

Sa ilalim nito, “magtutulungan” ang mga lokal na gubyerno (mula barangay hanggang prubinsya), mga sibilyang ahensya, at mga unipormadong pwersa ng rehimen katulad ng AFP, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, Philippine Air Force, at Office of Civil Defense. Paghahanda umano ito sa pagtugon sa mga panlabas na banta kabilang ang pagsalakay sa baybayin, kontra-impiltrasyon at pag-atakeng misayl, at mga kumplikadong sakuna at krisis. Pinahihigpit nito ang kontrol ng US hanggang sa antas ng lokal na gubyerno.

Nakabalangkas at bahagi ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) ng AFP ang ITDOEx. Inilalako ng AFP ang CADC para diumano sa proteksyon ng exclusive economic zone ng Pilipinas sa Palawan (kung saan palagian ang presensya ng mga barkong Amerikano at Chinese), at sa Batanes (na balak gawing himpilan ng US dahil sa lapit nito sa Taiwan).

Nakabalangkas ang CADC sa mas masaklaw na “archipelagic defense strategy” ng US na nagtulak para sa paglalatag ng sistema ng mga misayl at kanyon sa tinagurian nitong “first-island chain.” Pinapayungan ito ng agresibo at mas masaklaw pang Indo-Pacific Security Strategy.

Sa Zamboanga Peninsula at Panay

Unang inilunsad ng rehimeng US-Marcos ang ITDOEx sa Zamboanga Peninsula na sinundan kamakailan ng pagsasanay sa isla ng Panay. Ang dalawang rehiyon ay kabilang sa mga kalupaang pinakamalapit sa Palawan, na magsisilbing suporta sa prubinsya sa panahong pumutok ang imperyalistang gerang US kontra China.

Noong Disyembre 12, 2025, inilunsad ang kauna-unahang ITDOEx na tinawag na Exercise Kalazamsur 01-2025 sa Zambaonga del Sur. Isinagawa ito sa Igat Island sa bayan ng Margosatubig kung saan lumahok ang mga sibilyang ahensya at lokal na gubyerno sa anim na bayan.

Matapos nito, naglabas ang Regional Peace and Order Council ng Zamboanga Peninsula ng isang resolusyon noong Enero para ilunsad ang ITDOEx sa ibang prubinsya at ibalangkas ang isang antas rehiyong war games sa ilalim ng Kalasag Zampen. Kaugnay nito, isinagawa ang mga war games sa Zamboanga del Norte noong Pebrero, Zamboanga Sibugay noong Marso at nakatakda ang antas-rehiyong war games sa ikatlong kwarto ng 2026.

Noong Hunyo 16-17, inilunsad ang ITDOEx Pag-ugyon 2026 sa Iloilo sa payong ng inilabas na Executive Order No. 2025-111 ng lokal na gubyerno. Isinagawa ang war games sa mga bayan ng Miag-ao at San Joaquin sa Iloilo, ngunit saklaw ng ginambala nito ang bayan ng Guimbal, at ang Anini-y at Hamtic sa Antique.

Sa mga war games na ito, gumamit ng mga sasakyan at barkong pandigma, mga helikopter, kanyon at iba pang armas ang AFP. Umalingawngaw rin ang maiingay na mga tunog ng “simulated” o makatotohanang senaryo ng mga pag-atake, na nagdulot ng labis na takot sa mga tao. Libu-libong indibidwal ang pinalahok sa kada aktibidad at gumastos ng milyun-milyong piso para rito.

Pangamba at pagkabahala

Nagdudulot ng malaking pangamba at pagkabahala ang ITDOEx sa mga komunidad. Ang war games ay “paghahanda” ng senaryo ng pagputok ng gera, na ngayon ay inuudyukan ng imperyalismong US sa Asia Pacific kontra sa karibal na China.

Sa halip na tugunan ng rehimeng US-Marcos ang dinaranas na krisis sa ekonomya, nagsasagawa ito ng magastos at maaksayang war games na gumagambala sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Sa isang pagsasanay, nilabag ng AFP ang karapatan ng mga estudyante nang gamitin ang isang unibersidad sa Iloilo bilang lapagan ng helikopter at sentro ng ebakwasyon.

Dagdag rito, kinukundisyon ng war games ang isip ng mga Pilipino na ang tanging paraan ng pagtatanggol sa mga karapatan ng bansa sa West Philippine Sea ay sa pamamagitan ng panggegera sa China. Dapat itakwil ng sambayanan ang ITDOEx at ipagtanggol ang pambansang soberanya ng Pilipinas sa paggigiit na ibasura ang hindi pantay na mga kasunduang militar, palayasin ang tropa at buwagin ang mga base militar (EDCA site) ng US sa bansa.

Source link