PRWC » Operasyong ambus at haras, inilunsad ng BHB-Negros

Magkasunod na taktikaL na opensiba ang inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Negros Island noong Hunyo 12 at 14. Isang aktibong depensa naman ang inilunsad sa Northern Samar.

Noong Hunyo 14, inambus ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang tropa ng Regional Mobile Force Battalion-Negros Island Region na nagsasagawa ng kontra-insurhensyang operasyon sa Sityo Alimpolosan, Barangay Lalong, Calatrava, Negros Occidental. Itinigil ng mga Pulang mandirigma ang pagpapaputok nang mapansin nilang mayroong mga sibilyang kasama ang mga pulis. Hindi na ipinagpatuloy ng mga Pulang mandirigma ang pagsugod para matiyak ang kaligtasan ng mga ito.

Ang inambus na yunit ng pulis ay nasa erya para ipagpatuloy ang Re- tooled Community Support Program (RCSP) na sinimulan ng 79th IB. Ang RCSP ay isang pakitang-taong programa at tabing para ibayong patindihin ang militarisasyon sa kanayunan.

Noong Hunyo 12, nabulabog ang mga sundalo ng 62nd IB sa detatsment sa Barangay Sikatuna, Isabela, Negros Occidental sa inilunsad na operasyong haras ng BHB-Central Negros (Leonardo Panaligan Command). Isang pasistang sundalo ang napatay at isa ang nasugatan sa armadong aksyon.

Sa Northern Samar, naglunsad ng armadong aksyon ang BHB-Northern Samar (Rodante Urtal Command) laban sa 20th IB sa Barangay Catotoogan, Las Navas noong Hunyo 4 ng hapon. Naunang nakapamutok at aktibong nakapagdepensa ang Pulang hukbo laban sa nag-ooperasyong mga sundalo. Anim na tropa ng 20th IB ang napatay at maraming iba pa ang nasugatan. Sa ospital, dalawa pa ang namatay kalaunan.

Source link