Napatay sa armadong aksyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang isang sundalo ng 79th IB na nag-ooperasyon sa Sityo Cagayon I, Barangay Tamlang, Escalante City, Negros Occidental noong Hunyo 1. Maagap na nakapaglunsad ng aktibong depensa ang yunit ng hukbong bayan laban sa papalapit na tropa sa kanilang himpilan.
Sa ulat ng yunit, maliban sa isang kumpirmadong napatay sa 79th IB ay mayroon pang mga nasugatan sa hanay nito. Samantala, ligtas na nakapagmaniobra ang mga Pulang mandirigma sa kabila ng masinsin na pakat ng tropa ng kaaway sa erya.
“Ang magiting na pagpupunyagi ng mga Pulang hukbo ay sampal sa paulit-ulit na deklarasyon ng reaksyunaryong estado at ng armadong makinarya nito na wala ng nakatayong larangan sa erya,” pahayag ni Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros.
Ang napatay na sundalo ay kinilala bilang si PFC John Rey Brasil. Aktibo siyang kasapi ng grupo ng mga kabataang itinayo ng militar na “Youth for Peace Movement Northern Negros Chapter.” Nangunguna siya sa mga summit at porum ng naturang grupo bilang bahagi ng kampanyang panunupil sa mga kabataan.
Matapos ang labanan, pinaigting ng 79th IB ang operasyong kombat at militarisasyon sa barangay. Sapilitan nilang pinabakwit ang 150 pamilya o 554 indibidwal na pansamantalang nanatili sa Tamlang Elementary School sa loob ng isang araw.
Samantala, pinasinungalingan ni Estrella ang pahayag ng militar at pulis na Pulang mandirigma ang naarestong indibidwal na nagnangalang Janjan noong hapon ng Hunyo 1. Ayon sa mga ulat, nadakip siya sa isang pinagsanib na tsekpoynt ng pulis at militar sa Barangay Mabini, Escalante City. Nakuha umano sa kanya ang isang .45 pistola, mga pampasabog at droga.
“Hindi nakapagtataka ang mga imbentong ito ng 79th IB at ng mga kapulisan dahil sa desperasyon nilang siraan ang totoong sundalo ng mamamayan,” pahayag ni Estrella. Gayunman, ayon sa kanya, hindi ito pinaniniwalaan ng masang Negrosanon laluna at batid nila ang katangian ng kanilang Pulang hukbo.











