Naglunsad ng raling iglap ang mga myembro ng Arista at Manunulat ng Sambayanan (Armas) at iba pang alyadong orgnasisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa University of the Philippines (UP)-Diliman sa Quezon City noong Disyembre 17 ng gabi. Isinagawa ito sa gitna ng Lantern Parade o ang taunang parada ng mga parol sa kampus na dinadayo ng libu-libong tagapanood.
Pinangunahan ang aktibidad ng Armas-Balangay Ka Soral Malaya. Nakiisa rito ang mga balangay ng Armas na Balangay Tanya Domingo, Balangay Baby Jane Orbe at Balangay Kerima Tariman. Dumalo rin sa rali ang mga myembro ng Kabataang Makabayan, Liga ng Agham para sa Bayan at Cordillera People’s Democratic Front.
Ayon Armas-Balangay Ka Soral Malaya, paraan ang rali para ipagdiwang ang nalalapit na ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa Disyembre 26. Itinampok rin nila dito ang panawagan sa mamamayang Pilipino, laluna sa mga kabataan, na lumahok sa digmang bayan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
“Kinikilala at sinusuportahan namin ang rebolusyonaryong landas na tinatahak ng maraming Pilipino,” ayon sa pahayag ng balangay. Dagdag nito, wasto na isulong ang makatarungang dahas ng armadong pakikibaka na may kapangyarihang wakasan ang kahirapang dulot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.
Naging bahagi rin ng programa ang paglalantad at pagtatakwil ng mga grupo sa mga taksil sa rebolusyon at mamamayang Pilipino. Sila ay mga indibidwal na dating bahagi ng rebolusyonaryong kilusan o mga Pulang mandirigma ng BHB na tumalikod sa interes ng masa at ngayo’y aktibong nagpapagamit sa reaksyunaryong estado.
Nanawagan ang mga grupo na tuluy-tuloy na pagsusulong ng rebolusyong pangkultura. Ayon sa Armas-Balangay Ka Soral Malaya, dapat ipagpatuloy ang kampanyang pag-aaral para lumalim ang pag-unawa sa programa ng demokratikong rebolusyong bayan.
Sa pagtatapos ng programa, sinunog nila ang mga parol may mukha ng mga pasista, korap, at pahirap sa sambayanan na sina Ferdinand Marcos Jr at Sara Duterte. Maraming kabataan at indibidwal na nasa Lantern Parade ang nakasaksi sa programa at nakarinig sa panawagan ng mga grupo na lumahok sa digmang bayan.

Samantala, ipinalaganap sa kampus ng umiilaw na mga parol na may rebolusyonaryong panawagan ang Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma). Ang mga parol ay mayroong logo ng Kaguma, itsura ng isang Pulang mandirigma at logo ng pagdiriwang sa ika-57 anibersaryo ng Partido. Nakasulat rin dito ang panawagang pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan at pagsapi sa BHB.












