Nitong Nobyembre, hinagupit ang bansa ng magkasunod na bagyong Tino at Uwan. Nagdulot ang mga ito ng matinding pinsala sa agrikultura, imprastraktura, kabahayan at eskwelahan. Kumitil ito ng maraming buhay at nagpalayas ng daan-daan mula sa kanilang mga komunidad.
Sa Cebu, hindi bababa sa 6,000 tahanan ang nawasak, habang 2,812 ang bahagyang nasira nang tumama ang bagyong Tino noong Nobyembre 4. Dumanas ng matinding baha at pagguho ng lupa sa 40 na barangay. Abot-bubong ang rumaragasang baha sa ilang subdibisyon na nagpalutang sa puu-puong sasakyan. Buu-buong mga bahay ang tinangay sa Mandaue City, Danao City, Talisay City at Liloan, gayundin sa Consolacion at Asturias.
Sa kabuuan, umabot sa 232 na indibidwal ang namatay at 112 ang nawawala. Ang 158 sa nasawi at 58 na nawawala ay mula sa Cebu.
Pagkalipas ng ilang araw, muling hinagip ang isla ng bagyong Uwan. Nagdulot ang bagyo ng pagguho ng lupa sa Naga City at pagkasira ng mga imprastraktura sa San Remigio, Medellin at isla ng Caubian sa Lapu-Lapu City.
Ang magkakasunod na trahedya ay hindi lamang dulot ng pagbabago ng klima kundi resulta ng pandarambong sa kalikasan at sa kaban ng bayan ng naghaharing mga uri sa Cebu at bansa.
Walang pakundangang pagsira sa kabundukan at karagatan
Pinalubha ng mahigit dalawang dekada na pagkwari sa mataas na bahagi ng kalupaan sa prubinsya ang pagbaha at pagguho ng lupa. Di bababa sa 15 kumpanya ang kasalukuyang nagsasagawa ng malawakang pagkukwari sa isla. Karaniwang minimina sa prubinsya ay limestone, buhangin, graba at dolomite na ibinibenta sa mga kumpanya ng semento. Ginagamit ang mga ito sa reklamasyon sa Cebu at Manila Bay.
Mayroon ding hindi bababa sa 12 proyektong reklamasyon sa Cebu City at Lapu-Lapu City. Isa sa pinakamalaki ang 235-ektarya na Cebu City Waterfront Reclamation Project. Noong 2024, inaprubahan ang dagdag na anim na mayor na proyektong reklamasyon na may kabuuang 765 ektarya. Sinira ng mga proyektong ito ang mga bakawan na dating nagprotekta sa mga komunidad sa dalampasigan mula sa malalakas na bagyo, alon at baha. Binara din nito ang mga natural na daluyan ng tubig.
Dagdag na dahilan ng pagragasa ng baha ang walang pakundangang pagtatayo ng mga proyektong real estate at turismo sa matataas na bahagi ng Metro Cebu. Isa rito ang The Rise sa Monterrazas de Cebu, isang marangyang pabahay na inukit sa gilid ng bundok sa Cebu City. Dati nang inutusan ang Monterrazas na itigil ang proyekto matapos ang mga pagbaha at pagguho ng lupa sa mga baryo sa ibabang bahagi ng bundok.
Korapsyon sa mga proyektong flood control
Pinalala ang pagragasa ng baha at pagguho ng lupa mula sa matataas na bahagi ng Cebu ng palpak na mga proyektong flood control sa mabababang bahagi ng isla.
Ayon sa datos ng estado, umabot sa 343 ang proyekto para sa flood control sa Cebu mula 2016 hanggang 2022, at nasa 168 na proyekto mula 2023 hanggang 2025. Naglaan ang prubinsya ng ₱26.7 bilyon para sa 414 proyektong flood control para sa taong 2022 hanggang 2025. Inamin ng lokal na gubyerno na lahat ng itinayong flood control mula 2019 ay palpak o substandard.
Pinakamaraming nakuhang kontrata sa Cebu ang QM Builders at Quirante Construction Corp. ng pamilyang Quirante; Alpha & Omega at St. Timothy Construction ng mga Discaya; Centerways Construction & Devt. Inc ni Lawrence Lubiano; Legacy Construction ni Alex Abelido; at WTG Construction & Development Corp. ng pamilya ni Sen. Bong Go.
Galit ng mga Cebuano
Nagprotesta ang mga biktima ng bagyong Tino mula sa Barangay Paknaan at Mandaue City at myembro ng Bagong Alyansang Makabayan-Central Visayas noong Nobyembre 15 sa Gorordo Avenue. Kinundena nila ang korapsyon sa prubinsya at nanawagan ng kumpensyasyon para sa mga nasalanta. Nagsindi rin sila ng kandila at pinatunog ang mga kampanilya bilang pag-alala sa mga nasawi sa bagyo.
Noong Nobyembre 18, upisyal na binuo ng mga demokratikong grupo at sektor ang Kalihukang Sugboanon Kontra Korapsyon (KASUKKO) bilang alyansang kontra korapsyon sa Cebu. Nanawagan ang alyansa sa mamamayan na lumahok sa pambansang protesta sa Nobyembre 30 sa Fuenta Osmeña, Cebu City.











