Mariing tinututulan ng National Democratic Front–North Central Mindanao Region (NDF-NCMR) ang plano ng Department of National Defense (DND) na magtayo ng 200-ektaryang naval base sa loob ng Phividec sa Tagoloan, Misamis Oriental. Anang NDF-NCMR, nais ng US na gamitin ang karagatan dito para maging daungan ng malalaking barkong pandigma nito.
“Ang baseng nabal na ito ay madaling gawing isa pang bukas o lihim na EDCA site para paglagakan ng mga tropa at kagamitang pandigma ng US at iba pang imperyalistang bansa,” ayon sa grupo. Dagdag ng NDF-NCMR, ang planong baseng nabal na ito ay magiging dagdag na base sa iba pang kampo at pasilidad na ginagamit na ng US sa Northern Mindanao.
Tinukoy ng grupo ang Lumbia Airport sa Cagayan de Oro na idineklarang EDCA site o base miltar ng US noong 2014. Bagamat di deklarado, ginagamit ng US ang Camp Evangelista, hedkwarters ng 4th ID, na nakabase sa parehong syudad bilang base tuwing may aktibidad ito sa rehiyon. Ginawa na ring imbakan ng armas at training center ng mga dayuhang tropa ang Camp Kibaritan ng AFP sa Kalilangan, Bukidnon.
“Malinaw na tumitindi ang pagiging militarista at mapanghihimasok ng US at mga alyado nito sa bansa,” ayon sa NDF-NCMR. “Ang kanilang mga pwersa sa air force, infantry, at ngayon ang kanilang navy ay magkakaroon na ng mga base sa loob at malapit sa Cagayan de Oro City.”
Samantala, nagpahayag ng matinding pag-aalala ang mamamayan ng Cagayan de Oro, lalo na ang Oro Chamber of Commerce and Industry, sa plano ng DND at Phvidec.
“Marapat lamang na mag-alala ang mamamayan sa Cagayan de Oro at Misamis Oriental sa planong base militar,” ayon sa NDF-NCMR. “Ilalagay nito sa panganib ang mamamayan oras na sumiklab ang armadong sigalot sa pagitan ng US at China.”











