Ang Bayan Ngayon » Pilipinong migrante, biktima ng medikal at kriminal na kapabayaan ng gubyerno ng US at Pilipinas

Naglunsad ng protesta at press conference ang mga myembro ng Tanggol Migrante Movement (TMM), Defend Migrants Alliance, International Migrants Alliance, Migrante South Center at Bagong Alyansang Makabayan USA sa harap ng St. Joseph’s Medical Center sa Tacoma, Washington noong Oktubre 24 upang kundenahin ang medikal at kriminal na kapabayaan ng gubyerno ng US at Pilipinas kay “Kuya G,” isang Pilipinong imigrante.

Si Kuya G ay 20 taon nang naninirahan sa US, isang ama at may tatlong anak. Idinetine siya noong Marso 1 sa Northwest Detention Center (NWDC) at kasalukuyang nakatakdang i-deport dahil sa kapabayaan ng embahada ng Pilipinas sa kanyang kaso.

Apat na buwan na iniinda ni Kuya G ang matinding pananakit ng tiyan, pagdumi na may dugo, pag-uubo na may dugo, pabalik-balik na lagnat at biglang pagbawas ng timbang. Sa kabila ng paglala ng kanyang karamdaman, binalewala ng mga istap ng NWDC ang kanyang kalagayan. Noong Oktubre 16, dinala siya St. Joseph’s Medical Center at nakita na meron siya colitis at posibleng may colon cancer. Muli siyang dinala sa medical center noong Oktubre 23 dahil sa matinding impeksyon sa buto na kakailanganing putulin ang daliri sa kanyang paa. Ayon sa mga doktor ng ospital, maari sana itong maiwasan kung inagapan ang kanyang mga sakit.

Mula pa Hulyo ay kinakampanya ng mga pambansang demokratikong organisasyon sa US na bigyan siya ng kagyat na medikal na atensyon. Ilang beses nilang kinalampag ang konsulado ng Pilipinas at naghain ng pormal na ulat hinggil sa kanyang kalagayan.

Tinangka ng mga organisasyon na dalawin si Kuya G sa ospital ngunit hindi sila pinahuntulutan ng mga upisyal ng ICE at GEO Group (kumpanyang may-ari sa NWDC). Pinagbawal din kahit ang pagbigay ng pagkain sa kanya.

“Ang pagkait sa isang nangangailangan ng medikal na pagkalinga at koneksyon sa kapwa ay malupit at pagyurak sa kanyang dignidad bilang tao. Walang sinuman ang nararapat na tratuhin ng ganito,” pahayag ni Keri mula sa Malaya Tacoma.

“Hindi pwedeng ipagkaila ng konsulado ng Pilipinas na nasa krisis ang isang Pilipino, ngunit wala silang ginagawa. Sabi nila kay Kuya G ay susundin nila kung ano man ang desisyon ng gubyerno ng US. Pinapatunayan lang nito na mas mahalaga para sa kanila ang relasyong diplomatiko sa halip na pagsilbihan nila ang kanilang mamamayan, habang buong pagsisinungaling nilang sinasabi na nagbibigay sila ng tamang tulong sa mga Pilipinong migrante na nakapiit sa mga detention centers,” pahayag ng TMM.

Nananawagan ang mga organisasyon ng pananagutan mula sa ICE, sa GEO Group at sa konsulado ng Pilipinas. Nanawagan din sila para sa komprehesibong medikal na tulong para kay Kuya G at sa lahat ng nakadetine sa mga pasilidad ng ICE.

Source link