Ang Bayan Ngayon » Mga magsasakang dadalo sa rali kontra korapsyon sa Bacolod City, pinigilan at tinakot ng 79th IB

Tinakot ng mga sundalo ng 79th IB ang mga magsasaka sa Cadiz City, Negros Occidental na lalahok sana sa rali kontra korapsyon at paggunita sa Buwan ng mga Pesante sa Bacolod City noong Oktubre 21. Tinarget ng paninindak ng mga sundalo ang mga myembro ng lokal na asosasyon ng mga manggagawa sa tubuhan.

Ayon sa ulat, isang trak ng mga sundalo ang nagpunta sa Barangay Caduhaan noong umaga ng Oktubre 21. Ipinatawag ng yunit militar ang mga manggagawang bukid para “pulungin.”

Kasama ng 79th IB sa pagpunta sa barangay ang panginoong maylupa na si Ricky Abdon at ang mga bayarang tau-tauhan ng mga sundalo. Pinagsabihan ni Abdon at ng mga sundalo ang mga manggagawang bukid na huwag magpetisyon para sa kanilang kahingian.

Labag ang ginawa ng mga sundalo sa karapatan ng mga magsasaka na makapagpahayag ng kanilang saloobin at makalahok sa protesta. Nagdulot din ito ng takot sa kanla at kanilang pamilya.

Kabilang sa mga nais sanang ipanawagan ng mga magsasaka ng Barangay Caduhaan ang pagpapanagot sa mga sangkot sa malawakang korapsyon ng rehimeng Marcos. Anila, nagaganap ang mga katiwaliang ito sa habang sila ay naghihirap, inaagawan ng lupa at walang natatanggap na serbisyong panlipunan mula sa gubyerno.

Source link