Ang Bayan Ngayon » Pagbisita ng upisyal ng embahada ng US sa pulong ng ICI, tanda ng pakikialam ng US sa Pilipinas—Makabayan

Binatikos ng Koalisyong Makabayan ang tahasang pakikialam ng US sa lokal na mga usapin ng Pilipinas kasunod ng naiulat na pagbisita ni US Embassy Acting Deputy Chief of Mission Michael Kelleher sa upisina ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) noong Oktubre 17. Ang ICI ang nagsasagawa ng “imbestigasyon” kaugnay ng malawakang katiwalian sa gubyerno kaugnay ng mga proyektong flood control.

Ayon sa ICI at Malacañang, ang pagbisita ay simpleng “courtesy call” at kailangan dahil ang US ay “katuwang” ng Pilipinas sa mga interes sa pagnenegosyo. Tugon ng koalisyon, ang pagdadahilang ito ay nagpapakita lamang ng palaasang kolonyal na kaisipan ng rehimen.

Naniniwala rin ang koalisyon na layunin ng pakikialam ng US na pagitnaan ang tunggalian ng tradisyunal na mga pulitiko, ipagsanggalang si Marcos mula sa pananagutan sa korapsyon at umiwas sa destabilisasyon ng naghaharing sistema na posibleng magpatalsik kay Marcos. “Tinatamasa pa rin ni Marcos ang suporta ng US,” anito.

Pahayag ni Liza Maza, presidente ng Makabayan, ang interbensyon na ito ng US ay katulad ng mga pangyayari sa nakaraan kung saan iniayon ang resulta ng imbestigasyon sa interes ng US sa pulitika. “Malinaw na paglabag ito sa soberanya ng Pilipinas at isang atake sa mamamayang Pilipino na naghahangad ng pananagutan at hustisya,” aniya.

Dagdag ni Maza, nasa kamay lamang ng mga Pilipino ang kasagutan at karapatang hatulan ang korapsyon ng rehimeng Marcos at wala sa dayuhan. Nanawagan ang koalisyon sa ICI na isapubliko ang pinag-usapan ng upisina nito at ng upisyal ng embahada ng US, kasabay ng panawagan sa imperyalistang bayan na itigil ang pakikialam nito sa Pilipinas.

Hinamon ng koalisyon ang mamamayang Pilipino na manatiling mapagbantay sa panghihimasok ng eksternal na mga pwersang naglalayong pakialaman ang mga usapin sa bansa. Anang koalisyon, sadyang dapat magbantay dahil ang US ay hindi isang nyutral na tagamasid kundi isang dayuhang kapangyarihan na may makasaysayang pang-aabuso at pagkontrol sa Pilinas.

“Ang laban sa korapsyon ay hindi dapat makontrol ng US at iba pang kapangyarihan na sumuporta at nagpahintulot dito,” ayon kay Maza.

Liban sa pampulitikang koalisyon, nagpahayag rin ng pagbatikos sa panghihimasok ng US ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Kabilang ang grupo sa mga militanteng gulugod ng kilusang kontra korapsyon ng rehimeng US-Marcos sa bansa sa kasalukuyan.

Source link