Ang Bayan Ngayon » Mga magsasaka, nagmartsa laban sa korapsyon at pang-aapi

Nagmartsa mula Liwasang Bonifacio tungong Mendiola sa Maynila ang libu-libong magsasaka, kasama ang ibang demokrating sektor, noong Oktubre 21 bilang paggunita sa Buwan ng Magsasaka. Panawagan nila ang tunay na reporma sa lupa at pagpapanagot sa rehimeng Marcos at lahat ng sangkot sa korapsyon. Ang Oktubre 21 ay araw din kung kailan isinabatas ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr ang Presidential Decree No. 27, ang bogus na reporma sa lupa.

Panawagan nila, Marcos, peste, puksain! Itakwil ang papet, pahirap, pasistang rehimeng US-Marcos! Sa programa, pinagtulungan ng mga raliyista ang “pagsugpo” sa effigy ng isang daga na may mukha ni Ferdinand Marcos na sumisimbolo sa pinsalang dala niya sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka.

Lundo ang pagkilos sa isang linggong kampuhan na itinirik ng mga magsasaka mula sa Central Luzon, Southern Tagalog at Negros para nila sa harap ng Department of Agriculture mula Oktubre 15. Nagsilbi ang kampuhan bilang sentro ng mga protesta, pag-aaral, pangkulturang pagtatanghal, serbisyong medikal at pakikisalamuha sa iba’t ibang organisasyon mula sa mga grupo ng estuyante, manggagawa, maralitang lunsod, propesyunal at iba pang sektor.

Mula Oktubre 15, kinalampag ng mga magsasaka ang mga upisina at ahensya ng gubyerno para iparating ang kanilang galit at mga hinaing. Mula sa kampuhan, dinala ng mga magsasaka ng Central Luzon ang kampanyang “Save The Rice Granary” o ang malalawak na palayan sa rehiyon na nanganganib dahil sa malawakang pagpapalit-gamit ng lupa. Nagbabala sila laban sa panukalang National Land Use Act (NaLUA), na lalupang magpapabilis sa pagpapalit-gamit ng lupa dahil tatanggalin nito sa kategoryang protektado ang mga lupang agrikultural. Panawagan din nila ang pagtaas ng presyo ng bilihan ng palay at pagbasura sa Rice Tarrification Law na nagpapabagsak sa presyo ng lokal na palay dulot ng malakihang importasyon ng bigas.

“Dapat lamnin ng anumang kampanya para isalba ang rice granary ang mga hakbang para baliktarin ang mga pakatarang neoliberal na sumira sa pambansang katiyakan sa pagkain at kakayahang magsarili ng kanayunan,” anila.

Dala naman ng mga magsasaka at manggagawang-bukid ng Negros ang napakaraming kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mga sundalo at pulis sa kanilang mga komunidad sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Panawagan nila ang pagbubuwag sa NTF-Elcac na pasimuno ng Red-tagging at panggigipit. Binatikos din nila ang Memorandum Circular 83 ni Marcos na nagpalawak pa sa impluwensya ng NTF-Elcac sa sibilyang burukrasya sa pamamagitan ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD).

Samantala, dinala ng mga magsasaka mula mula sa iba’t ibang prubinsya ng Southern Tagalog ang kanilang mga laban sa lupa at kabuhayan sa tarangkahan mismo ng DAR.

Sa Davao City, nagtipon sa Freedom Park ang mga pambansa-demokratikong grupo sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan sa panawagang “Marcos ug Duterte, Panubagon! Burukrata Kapitalismo, Ibagsak!.” Nanawagan rin sila para sa agarang pagpapalaya sa Agusan 6 at iba pang mga magsasaka at kanilang mga tagasuporta.

Sa Cebu, nagmartsa ang progresibong mga organisasyon sa ilalim ng BAYAN Central Visayas mula Freedom Park tungong Colon bilang pakikiisa sa panawagan ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa.

Sa Panay, di alintana ng mga magsasaka at mga progresibong grupo ang ulan sa kanilang martsa tungong Iloilo Provincial Capitol para ipanawagan ang pagtataas ng bilihan ng palay at dagdag na pondo para sa agrikultura at lokal na produksyon. Panawagan nito, badyet sa produksyon, di sa korapsyon.

Source link