Ang Bayan Ngayon » Hustisya para sa nasawing marino sa Gulf of Aden, panawagan ng mga migrante

Nananawagan ng hustisya ang Migrante Netherlands para sa nasawing Pilipinong manggagawa sa barko ng MV Minervagracht matapos itong salakayin noong Setyembre 29 habang naglalayag sa Gulf of Aden sa Yemen. Sa kabila ng babala ng grupong Houti sa paglalayag ng mga barko sa karagatang ito, patuloy na pinalalayag ng mga kumpanya sa lohistika ang kanilang mga barko dito.

Maliban sa namatay, isa pang Pilipino ang nasugatan. Napauwi na ang 10 manggagawa na nakaligtas sa insidente.

Ang barko ay pag-aari ng Bevrachtingskantoor B.V, ng kumpanyang Spliethoff, isa sa pinakamalaking shipping company sa the Netherlands.

Ayon sa grupo, may malaking pananagutan ang Spliethoff sa pagkasawi ng Pilipinong manggagawa. Reponsibilidad ng kumpanya na tiyakin ang kaligtasan, kagalingan at karapatan ng mga tauhan nito.

“Hindi katanggap-tanggap na nilalagay ng kumpanya sa panganib ang buhay ng kanyang mga tauhan, nang walang konsultasyon o pagkakataon na ipaglaban ang kanilang karapatan na tumanggi na maglayag, na isang malaking paglabag sa mga alituntunin sa kaligtasan at karapatan ng manggagawa,” paliwanag ng grupo.

Ang trahedya na ito ay nagpapakita ng bulnerabilidad at panganib na nararanasan ng mga migranteng manggagawa sa barko, laluna ng mga Pilipino, na bumubuo sa sangkapat ng kabuang pwersa sa paggawa sa industriya ng marino sa mundo (global maritime workforce). Sa kabila ng pagiging gulugod sa indutriya ng kalakalan, patuloy silang nakakaranas ng pagkabukod (isolation), kawalan ng seguridad sa trabaho, hindi ligtas na kondisyon sa pagtatrabaho at pang-aabuso.

Ayon sa tala ng estado, noong 2024, umabot sa 273 na Pilipinong manggagawa sa barko ang inabandona ng kanilang kumpanya. Ang mga Pilipino ang pang-apat sa pinakamadalas na inaabandona na nasyunalidad sa buong mundo, sa loob ng nakalipas na limang taon.

Bagamat may direktang pananagutan ang kumpanyang Spliethoff sa nangyaring insidente sa kanilang barko, may malaki rin na pananagutan ang gubyerno ng Pilipinas. Ayon sa grupo, habang patuloy na pinapatupad ng rehimeng US-Marcos ang labor export policy na nagtutulak sa mga Pilipino na tumanggap ng mga delikado at alanganin na trabaho, mananatiling silang bulnerable sa pang-aabuso, pagsasamantala at maging kamatayan habang malayo sa kanilang pamilya at bayang sinilangan.

“Nananawagan kami sa gubyerno ng Pilipinas na itigil na nito ang kanyang mapagsamantala na programang labor export at lumikha ng ekonomiya na nagbibigay ng trabaho na disente at may dangal sa Pilipinas,” pahayag ng Migrante Netherlands.

Source link