Ang Bayan Ngayon » Sunud-sunod na mga “bomb threat,” posibleng pakana para idiskaril ang mga protesta—Bayan

Nagbabala ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) laban sa naiuulat na sunud-sunod na mga “bomb threat” sa iba’t ibang mga unibersidad at eswelahan sa maraming prubinsya sa nagdaang mga linggo. Anang grupo, posibleng layunin ng mga ito na idiskaril ang dumarami at dumadalas na mga protesta ng kabataan at mamamayan kontra korapsyon.

“Ang kahina-hinalang mga banta ng pambobomba sa ilang mga unibersidad ay maaaring layuning idiskaril ang mga protesta laban sa korapsyon at pigilan ang mga estudyante at guro na magmartsa kasama ang mga organisasyon masa at bumuo ng matibay na pagkakaisa para sa pananagutan at katarungan,” pahayag ng Bayan.

Sa nagdaang mga linggo nagkaroon ang mga “bomb threat” sa ilang mga unibersidad sa Metro Manila, kabilang ang naganap sa De La Salle University (DLSU)-Manila noong Oktubre 2. Nakatanggap ng e-mail noong Oktubre 1 ang isang upisyal ng konseho ng mag-aaral sa kampus na nagsasabing mayroong bomba na itinanim sa DLSU-Manila na makakasira dito.

Dahil sa banta, kaagad kinansela ang klase at isinara ang DLSU-Manila sa araw na iyon. Kapansin-pansin na itinaon ang “bomb threat” sa araw ng itinakdang walkout kontra korapsyon na ipinanawagan ng DLSU University Student Government at ng Lasallians Against Corruption.

Naiulat rin ang mga kaso ng “bomb threat” sa siyam na kampus sa Pampanga, walong kampus sa Batangas, apat na kampus sa Laguna, at sa mga prubinsya ng Quirino, Cavite, Albay, Iloilo, at Leyte. Karamihan sa mga “bomb threat” ay nagmula sa mga “anonymous” na numero.

Ayon sa Anakbayan Pampanga, dapat kaagad imbestigahan ang “tila koordinadong” mga bomb threat na ito. “Kinukundena namin ang paggamit ng ganitong sitwasyon para maghasik ng takot sa mga estudyante at sa kanilang papalaking mga pakikibaka,” ayon sa grupo.

Nagbabala ang grupo sa posibleng paggamit sa mga kaso ng “bomb threat” para gipitin ang mga karapatan ng mga estudyante, hati-hatiin ang kanilang pagkakaisa, at gamitin para sa militarisasyon at pagpasok ng kapulisan sa loob ng mga pamantasan. Sa nangyari sa Pampanga, nagpahayag ang lokal na pulis na gagamitin nito ang “Anti-Terror Law” para sugpuin ang mga bomb threat.

“Ang paggamit ng Anti-Terror Law ay hindi lamang hindi nararapat, kung hindi malinaw na naglalantad sa balak ng kapulisan at ng rehimeng Marcos Jr sa ligalig at takot ng mamamayan,” ayon sa Anakbayan-Pampanga. Binatikos rin nila ang kumakalat na balita na Anakbayan ang nasa likod ng mga bomb threat.

Ayon sa Bayan, tanging mga korap na burukrata at kanilang mga tauhan ang desperadong magsisikap na pahinain ang pagpapahayag ng bayan ng kanilang galit at pagnanais ng pagbabago. “Dapat nating ilantad ang kanilang malisyosyong layunin sa pagpapakita ng ating kapasyahang isulong ang pananagutan sa kabila ng mga patraydor na taktikang ito,” ayon sa grupo.

Ipinahayag ng grupo na ipagpapatuloy nila ang mga protestang kontra korapsyon at handa silang pangibabawan ang lahat ng mga balakid kabialng ang mga nagbabalak na idiskaril ang mga pagkilos. “Labanan ang taktika ng pananakot. Makibaka, huwag matakot!” panawagan ng Bayan.

Source link