Ang Bayan Ngayon » Mga maliit na minero sa Benguet, binugbog ng mga pribadong gwardya ng ISRI

Marahas na itinaboy, binugbog at tinutukan ng baril ng mga armadong tauhan at gwardya ng Sangilo Mines ang maliliit na minerong naghahanapbuhay sa Barangay Poblacion, Itogon, Benguet noong Oktubre 1. Binuwag ang pocket mine at pinalayas sila ng Sangilo Mines, pag-aari ng Itogon-Suyoc Resources, Inc. (ISRI), dahil inaakusahan silang nagmimina sa loob ng lupang minimina ng malaking kumpanya.

Nakuhanan sa bidyo ni Ramon Palingpingan Fianza ang marahas at brutal na pagbuwag ng mga gwardya sa kabuhayan ng mga minero at katutubo. Isang residente ang isinugod sa ospital dahil sa pambubugbog ng mga gwardya. Nagpahayag ng lubhang pagkabahala ang Itogon Interbarangay Alliance (IIB-A) sa pambubuwag ng mga tauhan ng ISRI at pang-aapi sa karaniwang minero.

“Hindi na bago ang marahas na pagkumpronta ng mga pribadong gwardya ng malalaking korporasyon sa pagmimina sa maliliit na minero,” ayon sa IIB-A. Kilala rin umano ang malalaking korporasyon na ito sa pang-aagaw sa lupang ninuno ng mga katutubo sa pamamagitan ng ligal na manipulasyon, pamimilit o pagkontrol sa ilang mga may-ari ng lupa.

Tinangka pang itanggi ng ISRI sa inilabas nitong pahayag sa Facebook ang karahasan at insidente. Ilang oras makalipas, tinanggal din nila ang pahayag dahil sa hindi maitatwang katotohanan ng marahas na pagbuwag at pag-atake na nakuhanan ng mga bidyo.

Nanawagan ang IIB-A ng agarang imbestigasyon sa insidente at pananagutan sa pananakit at pinsalang idinulot ng karahasan ng mga tauhan ng ISRI. Anang IIB-A, hindi dapat pahintulutan ng ISRI ang mga gwardya at tauhan nito na manakit at mambugbog ng mga lokal na residente na simpleng naghahanap-buhay lamang.

Samantala, sinabi ng alyansa na kung mapatutunayan na mismong ISRI ang nag-utos ng pag-atake, magsisilbi lamang itong isang malagim na palatandaan kung ano ang kayang gawin ng mga korporasyon sa pagmimina para protektahan ang mga interes nito.

Simula pa dekada 1930 ay nag-ooperasyon na ang ISRI. Sa kasalukuyan, ang kumpanya ay pagmamay-ari ng Apex Mining Corporation Inc ni Enrique Razon Jr. Humaharap ang kumpanya at ang planong ekspasyon ng operasyong mina nito sa Itogon ng malawakang pagtutol mula sa mga residente.

“Nagdulot na ng pinsala ang halos isang siglo nang pagmimina, ngunit patuloy pa rin ang kumpanya sa mga proyekto nito na lalo pang sumisira sa marupok na mga bundok at sa mga nahihirapang komunidad ng Itogon,” ayon sa IIB-A.

Source link