Ang Bayan Ngayon » Balangay ng MSP sa hanay ng mga estudyanteng pangkalusugan, pormal na itinatag

Nagtipon para sa isang asembleya at pormal na pagtatatag sa balangay ng Makabayang Samahang Pangkalusugan (MSP) ang mga estudyanteng pangkalusugan noong Agosto 2 sa isang hindi tinukoy na lugar. Ang MSP ay ang rebolusyonaryong organisasyon ng mga manggagawang pangkalusugan na alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Ayon sa ulat ng Ang Rebolusyonaryong Lunas, pahayagan ng MSP, dumalo sa pagtitipon ang estudyante mula sa iba’t ibang pamantasan, gayundin ng mga batang propesyunal kabilang ang mga duktor. Ayon sa ulat, bilang pagbubukas sa programa ay tinalakay sa asembleya ang kasaysayan ng pagkakatatag ng MSP noong 1978, kasagsagan ng batas militar ng diktadurang US-Marcos.

Ayon sa balita ng Ang Bayan noong Mayo 1979, binuo ng MSP ang programa ng organisasyon sa idinaos na unang pambansang kumperensya nito noong Disyembre 30, 1978. Ang 7-puntong programa ng MSP ay:

1. Labanan ang imperyalistang dominasyon sa industriyang pangkalusugan ng Pilipinas

2. Tutulan ang paggamit sa kalusugan bilang instrumento ng pasitang diktadurang US-Marcos

3. Magpaunlad ng mga programa sa kalusugan para palakasin ang rebolusyonaryong kilusang masa sa urban gayundin sa kanayunan

4. Mangalap ng pinakamalapad na suporta mula sa sektor ng kalsuugan para sa armadong pakikibaka

5. Itaguyod ang demokratikong karapatan ng mga manggagawang pangkalusugan na mag-organisa at ipaglaban ang kanilang tunay na kagalingan

6. Kumilos para sa reoryentasyon ng sistema sa edukasyong pangkalusugan at ipalaganap ang isang pambansa at demokratikong kamulatan sa kalusugan

7. Isulong ang pakikipagkaisa sa lahat ng progresibong manggagawang pangkalusugan sa ibayong dagat at hingin ang kanilang suporta para sa rebolusyonaryong pakikibaka

Liban sa kasaysayan ng MSP, tinalakay rin sa asembleya ng mga estudyanteng pangkalusugan ang kalagayan ng rebolusyonaryong kilusan sa bansa na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Kinilala ng mga delegado ang halaga ng inilulunsad sa kasalukuyan na kilusang pagwawasto ng rebolusyonaryong kilusan, na pangunahing isang kilusang pag-­aaral.

Nagbahagi rin ng karanasan ang isang duktor sa pagbibigay serbisyo sa mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa loob ng isang larangang gerilya. Ikinwento niya ang pagpupursigi ng mga Pulang medik sa kabila ng limitadong mga rekurso.

Isang estudyanteng nars rin ang nagbahagi ng kanyang karanasan sa integrasyon sa hukbong bayan. Aniya, ibang-­iba ang buhay ng mga kasama sa kanayunan kumpara sa maginhawa at kumportableng buhay sa lungsod. Pagbabahagi pa niya, itinaas ng mga kasama sa larangang gerilya ang kanyang rebolusyonaryong diwa at pinagtibay ng karanasang iyon ang kawastuhan ng isinusulong na rebolusyon.

Isa rin sa mayor na aktibidad ng programa ay ang paghalal sa mga upisyal ng balangay. Hinirang ng asembleya ang magsisilbi nitong tagapangulo, pangalawang tagapangulo, at tatlong miyembrong mamumuno sa mga partikular na gawain: propaganda­-kampanya­-edukasyon, suportang pinansya­-teknikal-­materyal, at serbisyong pangkalusugan at pagsasanay.

Pormal na isinara ang asembliya sa pag­awit ng Awit ng Pag-­asa at ng Internasyunal. Ayon sa Ang Rebolusyonaryong Lunas, “batid ng mga estudyanteng pangkalusugan ang malaking tungkulin, lalo na sa ngayon, na patuloy na magpukaw, mag­-organisa, at kumilos para itakwil ang imperyalismong US, pyudalismo, at burukrata kapitalismo.”

Ayon pa sa pahayagan, napakalaking hakbang at istoriko para sa mga estudyanteng pangkalusugan ang pagkakatatag ng balangay dahil patunay ito na niyayakap ng sektor ang demokratikong rebolusyong bayan bilang tanging solusyon sa tumitinding krisis at paghihirap ng sambayanang Pilipino. “Taas­-kamao nilang pinanghahawakan ang mga saligang prinsipyo ng MSP at buong tapang na gagampan ng mga tungkulin para sa tagumpay ng pambansa­demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba,” anito.

Source link