Ang Bayan Ngayon » Kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian, planong isampa ng alyansang demokratiko

Inianunsyo ng United People Against Corruption (UPAC) noong Oktubre 7 na plano nitong magsampa ng isang indemnity class suit laban sa mga kongresista, kontratista at upisyal ng gubyerno na sangkot sa maanomalyang mga proyektong flood control ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Anang grupo, layon ng kaso na tiyakin ang tatlong bagay: pananagutan, hustisya at kumpensasyon para sa mga biktima ng kapabayaan at katiwalian.

Sa mga reklamo ng mga pamilya at komunidad na paulit-ulit na binabaha, malinaw na hindi lamang bilyun-bilyong pisong pondo ang nilustay, kundi pati buhay, tahanan at kabuhayan ng mamamayan ang isinugal kapalit ng kikbak at pandarambong. Sa nagdaang mga linggo ay sunud-sunod ang pagkakabunyag ng mga pangalan ng mga pulitiko at kontratistang sangkot sa mga anomalyang ito.

Nabunyag ang lalim at lawak ng sistemiko at sistematikong korapsyon sa lahat ng antas at sulok ng burukrasya ng estado. Nabulgar sa mga pagdinig sa Kongreso at Senado ang sabwatan ng Malacañang, mga kongresista, senador, kontraktor at upisyal ng DPWH, at maging ng Commission on Audit at mga bangko para higupin at ibulsa ang bilyun-bilyong pondo ng bayan. Naisiwalat ang pagpapalobo ng halaga ng mga proyekto, paggamit ng substandard na mga materyal, di pagkumpleto at pag-uulat ng di umiiral o ghost na mga proyekto.

Ayon sa UPAC, kabilang sa mga una nilang kakasuhan ang apat na kongresista ng Quezon City na may direktang kinalaman sa mga maanomalyang proyekto sa kani-kanilang distrito. Pinangalanan ng grupo sina Juan Carlos “Arjo” Atayde, kinatawan ng unang distrito, Marvin Rillo, dating kinatawan ng ika-4 na distrito, Patrick Michael “PM” Vargas ng ika-5 distrito, at Marivic Co-Pilar ng ika-6 na distrito.

Isasali rin ng UPAC sa mga kakasuhan nito ang ilang mambabatas at mataas na upisyal ng gubyerno na umano’y nakinabang sa malawakang korapsyon sa mga proyektong flood control. Kabilang sa mga pinangalanan ng UPAC sina dating Senate President Francis Joseph “Chiz” Escudero, mga kasalukuyan at daing senador na sina Jose “Jinggoy” Estrada Jr, Emmanuel Joel Villanueva, Mark Villar, Christopher Lawrence “Bong” Go, Alan Peter Cayetano, Rodante D. Marcoleta, Ramon “Bong” Revilla Jr, Maria Lourdes Nancy Binay, dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Rep. Jose “Zaldy” Co, at mga district engineer, kontratista, at lokal na upisyal na nakinabang sa anomalya.

“Hindi na puwedeng palampasin ang ganitong klase ng korapsyon. Habang ang mamamayan ay paulit-ulit na nalulubog sa baha, ang mga opisyal na ito ay nagpayaman sa kikbak,” pahayag ni Dr. Malou Turalde, tagapagsalita ng UPAC. Aniya, hindi lang pagkakakulong ang dapat nilang harapin kundi dapat din silang magbayad ng danyos sa mga pamilyang kanilang pinahamak.

“Ang Indemnity Class Suit na ito ay babala sa lahat ng sangkot sa pandarambong ay pananagutin. Walang ligtas, walang takas!” deklarasyon ni Turalde. Aabot sa ₱1-₱5 bilyon ang hihilingin ng UPAC na danyos kaugnay ng kaso. Kung maipapanalo, ang halagang ito ay hahatiin sa mga sektor na magiging bahagi ng class suit.

Ipinaliwanag ng UPAC na ang plano nilang magsampa ng kaso ay bunga na rin ng urong-sulong, walang katiyakan at nakompromisang imbestigasyon ng House of Representatives, Senado at ng binuo ng Malacañang na Independent Commission for Infrastructure (ICI) hinggil sa katiwalian.

Nanawagan ang UPAC sa mga apektadong pamilya, organisasyon at mamamayan na makiisa sa pagsusulong ng hustisya at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan. Panawagan ng grupo: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”

Source link