DAlawang myembro ng Komite Sentral ng Communist Party of India (Maoist) ang higit 10 araw na sikretong idinetine bago sadyang pinaslang ng armadong pwersa ng rehimeng Modi noong Setyembre 22. Pinalalabas ng rehimeng Modi na napaslang sa engkwentro ang dalawa sa Abujhmad para pagtakpan ang krimen at takasan ang pananagutan nito.
Ayon sa mga ulat, nadakip ng armadong pwersa ng India sina Kasamang Katta Ramachandra Reddy (Raju Dada) at Kasamang Kadari Satyanarayana Reddy (Kosa Dada), kapwa hindi armado, sa Raipur City sa estado ng Chhattisgarh noong Setyembre 10. Hinihinalang dinala sila sa isang sikretong lugar sa pagitan ng Setyembre 11 hanggang Setyembre 20 kung saan posible silang ipinailalim sa matinding torytur bago pinaslang. “Kasinungalingan ang engkwentro. Dapat itong batikusin ng lahat,” ayon kay Vikalp, kinatawan ng Dandakaranya Special Zonal Committee.
Liban sa dalawa, naitala rin ang sadyang pagpaslang sa lima pang mga lider at myembro ng Komite Sentral at Eastern Regional Bureau ng CPI (Maoist) sa nagdaang buwan. Lahat sila ay pinalalabas rin na mga napaslang sa mga engkwentro. Pinarangalan ng partido ang lahat ng mga martir at nagbuwis ng buhay sa harap ng mabangis na Operation Kagar ng rehimeng Modi.











