Walang katuturan ang ipinasa kamakailan ng Senado ng Pilipinas na resolusyon para hingin sa International Criminal Court (ICC) na ipailalim ang dating pangulo na si Rodrigo Duterte sa house arrest sa kadahilanang “humanitarian.” Ang Resolution 144 ay pinaboran ng 15 senador, tinutulan ng tatlo, habang dalawa ang nag-abstain.
Kabilang sa mga sumuporta sina Senador Ronald dela Rosa, na itinuturing na posibleng kasabwat ni Duterte sa mga kasong kinakaharap nito sa ICC, kasama sina Robin Padilla, Jinggoy Estrada, at Christopher Go. Ang mga tumutol naman ay sina Senador Risa Hontiveros, Bam Aquino, at Francis Pangilinan, habang sina Senate President Vicente Sotto III at Sen. Raffy Tulfo ang nag-abstain.
Ayon sa mga eksperto at abogado, hindi lamang walang bisa ito sa ICC, posible pang maging sagabal ito sa kaso ni Duterte dahil ipinakikita nito ang nagpapatuloy na kapangyarihan niya sa bansa.
Ayon kay Atty. Kristina Conti ng National Union of Peoples’ Lawyers at assistant to the counsel sa ICC, walang kinalaman ang Senado sa anumang proseso ng korte.
“Alam ng korte na isa sa mga senador na isponsor ng resolusyon ay isa ring co-perpetrator ng krimen laban sa sangkatauhan na inimbestigahan ngayon ng ICC Office of the Prosecutor,” ayon kay Conti. Madali lamang, aniya, makita na ito ay “self-serving” o nagsisilbi sa pansariling interes. Tinutukoy niya rito si Sen. Dela Rosa, na pinangalanan na bilang co-perpetrator sa mga isinapublikong dokumento ng ICC.
“Pinapakita (ng resolusyon) ang malakas na impluwensyang pampulitika ng pamilya Duterte, na may mga myembro pa rin sa matataas na pusisyon sa Davao,” ani Conti. Sa tingin niya, maari pang mag-“backfire” ang resolusyon dahi maaari itong tingnan ng korte bilang panghihimasok sa pulitika at porma ng pagpapahina ng independensya ng korte, katulad ng ginagawa ng US.
Ayon naman kay Atty. Gilbert Andres, executive director ng Center for International Law, walang direktang epekto ang resolusyon sa proseso ng ICC dahil hindi ito bahagi ng Rome Statute o ng Rules of Procedure and Evidence ng korte. Aniya, malinaw na para sa ito sa lokal na konsumo ng mga tagasuporta ni Duterte.
“Walang house arrest sa batas ng ICC. Ito ay konseptong pampulitika lamang sa Pilipinas, na madalas ay para sa espesyal na trato sa mga politikong nakakakulong,” ani Andres. Idinagdag niya na ang hakbang ay maaaring magdulot ng impresyon na may kakayahan pa rin si Duterte na impluwensyahan ang Senado kahit mula sa malayo, na maaaring salungatin ang kanyang depensa ng “cognitive impairment.”
“Malinaw sa suporta ng Senado na nasa antas-pambansa ang impluwensya (ng mga Duterte,)” ayon kay Conti. “Ito ang dahilan kung bakit patuloy na tututulan ng mga biktima prosekusyon ang kanyang pagbabalik sa bansa, at na malabo itong mangyari.”
Kinundena ng Makabayan Bloc sa Kongreso ang resolusyon. Anila, isa itong harap-harapang pagtatangkang hadlangan ang pagkamit ng hustisya at pagtatanggol sa isang mamamatay-tao na responsable sa libu-libong ekstra-hudisyal na pamamaslang.
“Ang resolusyon ng Senado ay hindi tungkol sa awa o karapatan, kundi isang malinaw na pagtatakip sa mga krimen ni Duterte. Ito ay isang pambubusabos sa hustisya para sa mga pamilya ng mga biktima ng kanyang drug war,” ayon kay Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers.
“Ang resolusyon na ito ay isang insulto sa mga pamilya na nawalan ng mga mahal sa buhay dahil sa walang habas na paglatay sa pekeng drug war ni Duterte. Ito ay hindi tungkol sa pagkakaroon ng awa, kundi sa pagpapatuloy ng kawalan ng pananagutan,” ayon naman kay Rep. Sarah Elago ng Gabriela Women’s Party.











