Nagpaabot ng pakikiramay ang Anakbayan Taguig at iba pang mga grupo sa pamilya at mga kaibigan ng 15-taong gulang na si Mark Chustin Serbo, nasaksak at namatay sa protesta at komprontasyon noong Setyembre 21 sa Mendiola. Mula sa Taguig City, nakiisa si Serbo sa pagkilos kontra korapsyon sa Luneta sa Maynila.
Si Serbo ay nasaksak ng isang 52-taong gulang na sibilyan nang tinangka niyang pigilan ang binatilyo sa pagbalibag nito sa mga kagamitan sa interseksyon ng C.M. Recto Avenue at Quezon Boulevard. Naging paraan ng pagpapakita ng galit sa korapsyon ni Serbo ang kanyang mga naging aksyon, sampu ng iba pang mga kabataang kasama niya noon. Sumuko ang lalaking nakasaksak kay Serbo noong Setyembre 24 at ikinulong ng mga pulis.
Nakiisa si Serbo sa malawakang pagkilos ng daan-daanlibong Pilipino dahil katulad ng marami ay pagod na siya sa katiwalian, korapsyon, at pagsasamantala ng mga nasa kapangyarihan. “Kaya’t kanyang ginawa ang nakikita niyang paraan para lumaban sa ganitong bulok at mapang-aping sistema na agrabyado ang malawak na hanay ng mga maralitang Pilipino,” pahayag ng Aksyon Taguig Against Korapsyon (ATAK).
Ayon sa Karapatan-National Capital Region, “hindi kailanman masasayang ang kanyang pagkakamulat at paninindigan. Ang kanyang tinig ay magiging sigaw ng marami pang kabataan na patuloy na lalaban para sa karapatan, hustisya, at kalayaan.” Bumisita sa lamay ni Serbo ang mga progresibong grupo at nag-alay ng ilang awitin.
Nakiisa sila sa panawagan para sa hustisya sa pagkamatay ni Serbo, at mga biktima ng karahasan ng mga pulis laban sa mga nagprotesta. Marahas ang naging tugon ng mga pulis sa komprontasyon at salpukan, kung saan nagpaputok sila ng baril, naghagis ng mga teargas at nang-aresto ng higit 216 indbidwal kabilang ang higit 90 menor-de-edad.
“Makatuwiran lamang ang pagsabog ng galit ng maralitang mamamayan, sa pangunguna ng mga kabataan, na ilang-taon nang nagkikimkim sa pagahihirap na dala ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan,” ayon sa Anakbayan Taguig.
Noong Setyembre 27, nagtirik ng kandila ang Anakbayan Taguig sa isinagawang protesta sa syudad bilang panawagan para sa hustisya.











