Nanawagan ang grupo ng mga taong-simbahan na One Faith. One Nation. One Voice. na igalang ang karapatan ng mga kabataang marahas na inaresto ng mga pulis sa naganap na protesta at salpukan sa Mendiola noong Setyembre 21. Sa pinakahuling ulat ng Karapatan at National Union of People’s Lawyers, umabot sa 277 indibidwal, kabilang ang halos 100 menor de edad, ang pinagdadampot ng mga pulis.
Naganap ang pag-aresto nang sumiklab ang komprontasyon sa Ayala Bridge na sinundan ng isa pang salpukan sa Mendiola. Nakuhanan sa mga bidyo ang brutal na pagsagupa ng mga pulis sa mga kabataan, panghahampas sa kanila ng batuta, pagsipa at pabalagbag na pagbitbit. Marami ang naiulat na basta na lamang dinampot nang dahil lang nasa lugar ng insidente.
“Ang mga kabataang ito—na malaon nang nilapastangan ng kahirapan, pagbaha, at kapabayaan—ay karapat-dapat na pakitaan ng pagmamalasakit, hindi ng pagkundena,” ayon kay Most Rev. Gerardo A. Alminaza, DD, tagapagtipon ng One Faith. One Nation. One Voice. Kaisa umano ang kanilang grupo sa panawagang agarang palayain ang mga dinakip.
Ayon pa kay Bishop Alminaza, ang anumang pagkakait sa mga biktima ng tamang proseso alinsunod sa mga batas ay higit pang patunay ng pag-abuso sa kapangyarihan na binatikos sa mga demonstrasyon ng daan-daanlibong Pilipino noong Setyembre 21. Sa ulat ng mga grupo sa karapatang-tao, lagpas isang araw pa bago iniharap sa “inquest” at kinasuhan ang mga dinakip, at binigyan ng atensyong medikal at pagkain ang mga inaresto.
Paghimok ni Bishop Alminaza, sa pag-unawa sa nangyaring komprontasyon sa Mendiola ay dapat ding mabatid ang mas malalim na katotohanan na ang kahirapan mismo ay isang uri ng karahasan. “Ang kagutuman, kapabayaan, at korapsyon ay nagdudulot ng araw-araw na mga sugat sa mga mahihirap na mas matindi kaysa sa kahit anong pagputok ng galit sa lansangan,” aniya.
Dagdag pa niya, kapag nag-aalsa ang mahihirap dahil sa galit, hindi sila lumilikha ng karahasan bagkus ay inilalantad nila ito. “Ang kanilang mga sigaw ay nagpapakita ng inhustisya ng isang kleptokrasya na nagnakaw hindi lamang ng pondo ng bayan kundi pati na rin ng kanilang kinabukasan,” pahayag ng obispo.
Bilang kalahok sa naging mga protesta noong Setyembre 21, narinig mismo ni Bishop Alminaza mula sa mga talumpati at sigaw ng mamamayan ang kanilang galit laban sa katiwalian at pang-aabuso. “Ang tunay na kapayapaan ay hindi makakamit sa pagsawata sa galit na ito, kundi sa pamamagitan lamang ng pagbuwag sa mga istruktura ng korapsyon at kapayapaan na nag-uudyok dito,” aniya.
Hindi rin umano wasto na tawagin na mga sanggano ang mga kabataang nag-aklas. Aniya, ang tunay na mga kriminal ay ang mga utak at tagapagtanggol ng kleptokrasya. “Dapat silang papanagutin sa pagtataksil sa ating bayan,” pagdidiin niya.
Para kay Bishop Alminaza, ang mga kabataan, kabilang ang mga mula sa maralitang-lunsod, ang kinabukasan ng bayan. “Dapat marinig ang kanilang galit, kilalanin ang kanilang karapatan na lumaban, at iturol ang kanilang lakas tungo sa makabuluhang pagbabago,” pahayag niya.










