Pinupugayan ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) ang sektor ng STEM (science, technology, engineering, and mathematics) at ang mamamayang Pilipino sa matagumpay at makasaysayang kilos-protesta sa buong Pilipinas noong Linggo, Setyembre 21. Kabilang sa daang-libong kumilos sa mga protesta sa araw na ito ang libo-libong siyentista, inhinyero, teknolohista, at kabataang estudyante sa STEM mula sa iba’t ibang organisasyon na nagkaisa sa kampanya laban sa malawakang korupsyon sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr.
Labas sa mga kilos-protesta sa Luneta, Mendiola, EDSA, at iba pang lugar, nagsagawa rin ng militanteng aksyon ang ilang mga miyembro ng IT community. Noong Setyembre 21 at 22, nakapagtala rin ng mga denial-of-service attack at mga kaso ng website defacement ang ilang mga website ng reaksyunaryong gubyerno. Pinuruhan ang website ng DPWH, ang eGovPH platform, at maraming mga website ng mga LGU. Ilan sa mga ito, binago ng mga hack-tibista ang itsura ng website para magpakita ng mensahe ng pakikiisa laban sa korapsyon.
Ang maramihang paglahok ng mga propesyunal at estudyante sa STEM sa kampanya laban sa korapsyon ay dulot ng walang-pagod na pagmulat, pag-organisa, at pagkilos para sa ating interes sa mga nagdaang buwan at taon. Matagal nang binabangungot ng korapsyon ang ating bansa, at kabilang dito ang sektor ng STEM—lantarang katiwalian sa loob ng mga ahensya kagaya ng DPWH, habang mababa ang pondo para sa pananaliksik, imprastruktura sa IT, at edukasyon sa STEM. Sa kalagayang ito, nagsikap ang mga progresibo at patriyotikong pwersa na pangunahan ang kampanya kontra burukrata kapitalismo, na nagdulo sa mga sunod-sunod na tagumpay sa pagpapakilos at pagpapatampok ng isyu.
Mula sa isang “takbo laban sa korapsyon” sa UP Diliman na pinamunuan ng mga kabataang estudyante ng Kolehiyo ng Agham ng unibersidad, hanggang sa mga talakayan at porum na pinamunuan ng mga siyentista ukol sa isyu ng flood control, hanggang sa pagbuklod ng mga inhinyero at akademiko sa STEM sa mga alyansa laban sa katiwalian, lahat ng mga ito ay naging susi sa pagpapalakas ng progresibo at rebolusyonaryong sentimyento sa sektor ng STEM at maging sa mamamayang Pilipino.
Walang ibig sabihin ang malawakang pagkilos na ito kundi sawang-sawa na ang masang Pilipino, kabilang ang sektor ng STEM, sa bulok na sistema ng burukrata kapitalismo. Ikinamumuhian ng mga siyentista, inhinyero, propesyunal, at kabataang estudyante ang ganitong pagsasamantala sa mamamayan, at malinaw sa lahat na makatwiran ang magprotesta—at magrebolusyon.
Hinahamon tayong lahat ng panahon. Kahit saan ka man pumunta, maaamoy mo ang sangsang ng bulok na sistemang ito. Malamang sa mga susunod na linggo, lalong malalantad ang numero-unong kurakot na si Marcos Jr., at maging ang buong sistema ng burukrata kapitalismo sa bansa. Lalong titindi ang bangayan sa pagitan ng mga paksyon ng naghaharing-uri. Kung tuloy-tuloy ang ating pagkakaisa at mahusay na pagpapakilos ng mamamayan, maaring mapwersang magbitiw o di kaya’y mapatalsik ng mamamayang Pilipino sila Marcos Jr., Sara Duterte, at lahat ng mga kurap na opisyal. Maaring magkaroon ng pagkakataon na itayo ang isang rebolusyonaryong gubyernong koalisyon na binubuo ng mga progresibong organisasyon, institusyon, at personahe na sama-samang kumilos para sa pagpapanagot sa mga magnanakaw at nagnanais ng isang malinis na pamahalaan.
Tungkulin ng mga rebolusyonaryong siyentista, inhinyero, at teknolohista na organisahin at pakilusin ang sektor ng STEM, at dalhin ang kasalukuyang pagsirit ng galit ng mamamayan sa rebolusyonaryong kongklusyon nito: wala tayong maaasahan sa reaksyunaryong gubyerno, at kailangang baguhin ang sistema sa paraan ng pambansa-demokratikong rebolusyon.
Bukod sa tuloy-tuloy na paglahok sa mas malaki pang pagkilos sa mga susunod na linggo, palalimin natin ang pag-unawa ng ating mga kapwa siyentista, inhinyero, at propesyunal tungkol sa mga batayang isyung panlipunan. Idugtong natin ang diskurso ng korapsyon sa kabuuang makinarya ng burukrata kapitalismo (kabilang dito ang pasismo ng estado), pyudalismo, at imperyalismo. Dalhin natin sila sa mga komunidad sa siyudad at sa kanayunan para masaksihan nila mismo ang paghihikahos ng mamamayan sa malakolonyal at malapyudal na kaayusan ng Pilipinas.
Sa matabang lupang ibinungkal ng kasalukuyang krisis, itanim natin ang galit ng mamamayan at alagaan ito hanggang sa umugat at sumibol ang rebolusyonaryong lakas. Paramihin ang kasapi ng LAB, patibayin ang pundasyon ng ating organisasyon at maging ang buong rebolusyonaryong kilusan, at suportahan at lumahok sa armadong pakikibaka para sa tunay na pagbabago sa ating lipunan.
Wakasan ang korapsyon! Baguhin ang sistema! Ipagtagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba!











