Kinundena ng grupong Save Gubat Bay Movement ang nagpapatuloy na panggigipit sa mga myembro nito at iba pang residente ng Barangay Cota na Dako, Gubat, Sorsogon. Anito, sa kabila ng mga tagumpay sa kanilang laban ay patuloy pa rin silang nakararanas ng banta sa kanilang seguridad.
Matatandaang sunud-sunod ang tagumpay na nakamit ng SGBM dahil sa kanilang matapang na pagtindig at sama-samang pagkilos sa nagdaang mga taon. Matagumpay nilang napawalang bisa ang Fisheries Administrative Order 264 kung saan ay pinagbawalan silang manghuli ng crablets at napatigil nila ang planong pagtatayo ng coastal road sa kanilang komunidad. Tatlong beses din nilang napabasura ang mga inihapag na mga kaso ng LKY Resorts and Hotels Inc., kumpanyang pagmamay-ari ni Wilbert Lee, dating kinatawan ng Agri Partylist, upang kamkamin ang kanilang lupain.
Noong Agosto, pinagbabayad ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB) and Department of Public Works and Highways (DPWH) ng P50,000 dahil sa konstruksyon nito sa Cogon-Cota na Daco-Balud Del Norte Sur Coastal Road nang walang Environmental Compliance Certificate (ECC).
Sa panayam ng mga lider ng iba’t ibang grupo sa ilalim ng SGBM sa Bicol TV Sorsogon noong Setyembre 15, tinalakay nila ang patuloy nilang nararanasan na panggigipit at pagtindig laban sa iligal na pangangamkam ng kanilang lupain.
Ayon kay Rosanna Almine, bise presidente ng Samahan Alay sa Kalikasan Cooperative (SAAKCO), ay ilang beses nilang naobserbahan na may mga ahente sa paniktik ng Armed Forces of the Philippines na nagtatanong tungkol sa mga lider sa komunidad at kung saan sila nakatira.
Ilang beses din ni-red-tag ang mga myembro ng SGBM at patuloy na malisyosong pinaratangang myembro ng rebolusyonaryong grupo.
“Nananawagan kami sa AFP at PNP, kami ay lehitimong mangingisda, kami ay naninindigan sa aming karapatan, hindi kami NPA. Alam ninyo ‘yun dahil may intelligence funds kayo para alamin kung sino kami. Wag natin bansagan na NPA ang mga taong naninindigan dahil alam nila kung ano ang tama at mali,” giit ni Allan Espallardo, presidente ng SGBM at ng Sorsogon King Crab Raisers Association Inc. (SKRA).
“Hindi niyo (gubyerno) kami natulungan sa aming problema, sino ang tumutulong samin? Ung mga tinatawag n’yong mga rebelde, sila (Bayan Muna Partylist) ung tumulong sa amin kaya naibalik namin ang hanapbuhay namin. Ni-isa sa inyo ay walang tumulong sa amin nung kami ay inaapi at ginigipit,” galit na pahayag ni Espallardo
Noong nakaraang taon, naglagay ng gwardya ang LKY sa komunidad at pinagbawalan silang mag-ayos ng kanilang bahay sa dahilang palalayasin din sila sa lupa. Nagkaroon din ng dayalogo sa pagitan ng mga residente at ni Wowo Fortes, kinatawan ng ikalawang distrito ng Sorsogon sa kongreso, kung saan pilit silang kinukumbinsing pumayag sa relokasyon. Inaalok sila ng P15,000 ayuda at pabahay na babayaran nila ng P4,000 kada buwan sa loob ng 25 taon. Batid ng mga residente na oras na matapos ang planong coastal road, tatayuan ng hotel, resort at casino ang kanilang lugar.
Bagamat natigil ang direktang panggigipit at pananakit ng mga tauhan ng LKY sa mga residente, hindi pa rin sila nagkakampante. Anila, may plano na naman kasuhan ng kumpanya ang mga residente.
“Matinding panggigipit ang naranasan namin sa LKY, wala naman nakikinig sa amin dahil malaki silang korporasyon. ‘Pag gabi natatakot kami na baka sunugin nalang kami,” paliwanag ni Rofe Doncillo, bise presidente ng Cota na Dako Crablet Workers (COTAW).
Panawagan ng SGBM na itigil na ng AFP at LKY ang panggigipit sa kanila, at sa mga ahensya ng gubyerno na irespeto ang kanilang mga karapatan.










