Nakalaya noong Setyembre 22 mula sa higit pitong taong pagkakakulong ang anim na bilanggong pulitikal matapos ipawalang-sala ng Dumaguete Regional Trial Court Branch 42 sa kasong illegal possesion of firearms. Ang anim, na binansagang Mabinay 6, ay dinakip noong Marso 3, 2018 sa Barangay Luyang, Mabinay, Negros Oriental ng 62nd IB matapos palabasing mga myembro sila ng Bagong Hukbong Bayan na kanilang naka-engkwentro.
Kabilang sa Mabinay 6 sina Myles Albasin, Randel Hermino, Carlo Ybañes, Joemar Indico, Joey Vailoces, at Bernard Guillen. Si Albasin ay nagtapos sa University of the Philippines (UP)-Cebu at nagsilbing tagapangulo ng Anakbayan UP Cebu habang nasa unibersidad. Ang kanyang mga kasama ay mga organisador sa hanay ng mga magsasaka at maralita.
Pinawalang-sala ng korte ang anim dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya para hatulang maysala sa kaso. Ayon sa desisyon ng korte, kapansin-pansin ang maraming “butas” sa sinasabing ebidensyang mga baril at pampasabog na nakumpiska sa mga biktima.
Tanging mga testimonya ng mga sundalong saksi ang ginamit na “patunay” ng prosekusyon para idiin ang Mabinay 6, ayon sa mga abugado. Karaniwang taktika ito ng mga pwersa ng estado tuwing nagsasampa ng gawa-gawa at patung-patong na mga kaso para imbimbin ang mga aktibista at organisador.
Kinatawan ang Mabinay 6 sa korte at ligal na proseso ng batas ng La Viña Zarate & Associates (LVZ Law) at ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) Cebu. “Mula pa sa umpisa, idinidiin na namin na ang mga kaso laban [sa kanila] ay walang batayan. Pinagtibay ng desisyong ito na ang ebidensyang iniharap sa korte ay hindi sapat para suportahan ang mga pahayag ng prosekusyon,” pahayag sa English ni Atty. Karlos Zarate ng LVZ Law.
Nagpahayag din ng suporta sa pagkapanalo sa kaso ng Mabinay 6 ang Karapatan-Central Visayas (CV). Anang grupo, habang itinuturing nila itong isang pagkakataon ng alwan at pagkamit ng katotohanan ay hindi pa ito maituturing na “kabuuang tagumpay.”
Ayon sa Karapatan-CV, marami pa ring mga bilanggong pulitikal ang nakakulong na tulad ng Mabinay 6 ay matagalang ibinbimbin sa gawa-gawang mga kaso para lamang patahimikin sila at patigilin sila sa kanilang paglaban. Dagdag ng grupo, kinakailangan at mahalagang bahagi rin ng hustisya ang karampatang bayad-pinsala.
“Ang mga taon na ninakaw mula sa anim ay hindi na maisasauli, ngunit kailangan itong kilalanin. Ang mga pagkakamaling ginawa sa kanila ay dapat maitama, at ang lahat ng mga sangkot ay dapat mapanagot,” pahayag ng Karapatan-CV.
Para sa grupo, ang paglaya ng anim na kabataang organisador ay patunay ng pangangailangang ipagpatuloy ang pakikibaka para palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal sa bansa. Sa isla ng Negros, nananatiling mayroong hindi bababa sa 110 bilanggong pulitikal, habang higit 700 ang bilang sa buong bansa.











