PRWC » Pakikibaka kontra mapangwasak na mina at dredging

Naiulat sa nagdaang mga linggo ang ilang nakamit na tagumpay at nagpapatuloy na paglaban ng mga residente sa mga mapangwasak na pagmimina at dredging sa Ilocos Sur, Kalinga, Nueva Vizcaya, Mindoro at Sorsogon.

Sa Ilocos Sur, natulak ng sama-samang pagkilos ng mamamayan ang lokal na gubyerno na magsalita at magpahayag ng pagpapatigil sa operasyon ng mapangwasak na operasyong dredging ng Isla Verde Mining and Development Company sa bukana ng Lower Abra River sa saklaw ng prubinsya. Noong Setyembre 2, nagpahayag ang lokal na gubyerno na ipahihinto ang operasyon bunga ng sama-sama at walang humpay na pagkilos ng mga komunidad.

Sa Kalinga, naipabasura ng mga katutubo ang inilabas na bogus na Free, Prior and Informed Consent para sa Saltan Dam na proyekto ng kumpanyang Australian na JBD Water Power Inc. Napag-alaman ito ng mga residente noong Setyembre 15 kasabay ng pagsasampa nila ng mga petisyon sa National Commission for Indigenous Peoples para ipabasura ang FPIC para sa Saltan Dam at Upper Tabuk Hydropower Project (UTHP). Ibinalita rin sa kanila na ang FPIC para sa UTHP ay posible ring bawiin at ibasura.

Sa Nueva Vizcaya, nagbarikada ang mga residente ng Barangay Bitnong, Dupax del Norte sa kanilang lupain mula Setyembre 17 upang harangin ang pagpasok ng mga gamit sa pagmimina ng Woggle Corporation, isang kumpanyang nakabase sa United Kingdom. Dahil sa malawakang pagtutol ng mamamayan sa planong eksplorasyon, pansamantala itinigil ng kumpanya ang kanilang operasyon.

Sa Oriental Mindoro, inilunsad ang isang prayer rally noong Setyembre 6 sa palengke sa bayan ng Gloria upang tutulan ang dredging sa isla. Dumalo sa pagkilos ang iba’t ibang samahan, organisasyon, simbahan, mga pulitiko, at residente mula Calapan City hanggang Bansud. Anila, lubhang nakakasira baybayin at banta sa kabuhayan ng mga mangingisda ang dredging.

Sa Sorsogon, naipasuspinde ng mga residente noong Setyembre 10 ang permit ng Siating Construction and Development Corporation para sa pagkwari ng bato at buhangin sa Barangay San Roque sa bayan ng Bulusan. Ibinatay ng gubernador ang desisyon sa hinain na position paper ng San Roque Ecological Initiative ng Barangay San Roque. Anang mga residente, iligal ang kwari dahil walang pampublikong konsultasyon. Malapit din ito sa Bulusan Volcano Natural Park (BVNP), na isang protected area.

Source link