Sa araw na ito ginugunita ang malagim na karanasan at militanteng paglaban nang mamamayang Pilipino sa batas militar na dumulo sa pagbagsak sa diktadurang US-Marcos Sr. Ngayon, muling ipinamamalas ng nakikibakang mamamayan ang lumalawak na paglaban sa burukrata kapitalismo na pinatingkad ng kasalukuyang mga usapin sa sistematikong korapsyon na nainstitusyunalisa na sa loob ng reaksyonaryong estado. Ito ang katangian ng mga nakaupo sa poder ng kapangyarihan – Burukrata Kapitalismo – ang paggamit sa kapangyarihan ng estado ng mga naghaharing uri tulad ng panginoong maylupa at komprador para magkamal ng nakaw na yaman mula sa buwis at iba pang kita ng reaksyonaryong estado.
Hindi maihihiwalay ng rehimeng US-Marcos ang kanyang pananagutan sa nalantad na mga katiwalian sa flood control projects ng DPWH na sangkot ang Kongreso, Senado, Malacanang at mga kontraktor na pag aari din ng ilang politiko dahil si Marcos Jr mismo ang nagbibigay ng pinal na approval sa pangkalahatang taunang pondo ng reaksyonaryong estado. At nasa balita ngayon na tumanggap sila Marcos Jr at Sara Duterte ng milyon-milyong Piso mula sa mga kontraktor para sa kanilang pagtakbo sa eleksyon.
Ang pandarambong ng burukrata kapitalismo ay katangian ng isang nabubulok na mala-kolonyal at malapiyudal na sistemang panlipunan. Ang pag iral nito ay nagdudulot ng tumitinding pagpapahirap sa mamamayang Pilipino tulad sa isang linta na sumisipsip sa dugo ng kanyang biktima. Hindi ito kaiba sa nararanasan ng mga Pilipinong manggagawa na hindi tumatanggap ng nakabubuhay na sahod. Dahil dito, libo-libong Pilipino araw-araw ang napipilitan na mangibang bansa para mabuhay. Ang OFW ay hindi makabagong bayani kundi biktima ng pagpapahirap ng sistemang ito kaya napipilitang lumabas ng bansa para sa kabuhayan ng kanilang mga mahal sa buhay. Imbes na ipagkaloob ang pagtaas sa nakabubuhay na sahod ng mga manggagawa, mas lalo pang itinutulak ni Marcos Jr ang Labor Export Program sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers, hindi lamang para ikalakal kundi para lalo pang pagkakitaan nang reaksyonaryong estado sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga sapilitang bayarin at pinapadala nitong remitans papasok sa ating bansa,
Sa kabilang banda, ang pagnanais ng mamamayan sa pagbabago at pagwaksi sa burukrata kapitalismo at kontrol ng dambuhalang monopolyo kapitalismo o Imperyalismo ay sinasalubong ng dahas at terorismo ng estado. Sa kanayunan, kung saan nagpapatuloy ang kawalan ng sariling lupang sinasaka ang mga magsasaka, patuloy na nangingibabaw ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa. Ang pagsusulong ng laban ng mga magsasaka para sa tunay na repormang agraryo at iba pang karapatang pantao ay tinutugunan ng matinding dahas kasabay ng mga serye ng pambobomba sa komunidad na bahagi ng counter-insurgency program nito at pagpapatupad ng mala-martial law sa kanayunan.
Gamit ng reaksyonaryo at berdugong AFP at PNP ang mga armas pandigma na nagmula pangunahin sa imperyalismong Estados Unidos. Bahagi ito ng mga di-pantay na kasunduang militar tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA at iba pa, na maliban sa pagtatayo ng mga base militar, ginagamit din ang mga di-pantay na kasunduan para sa direktang paglahok ng mga dayuhang sundalo sa counter insurgency campaign ng rehimeng US-Marcos tulad ng Exercise ALON, kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at Australia.
Kaya’t sa araw na ito, hindi lamang natin ginugunita ang sama-samang pagkilos nang mamamayang Pilipino sa panahon ng diktadura, kabilang din ang mga rebolusyonaryong Pilipino sa ibayong dagat sa pagkondena sa tumitinding militarisasyon at pasismo sa Pilipinas at isusulong nito ang laban para sa pagpawi sa burukrata kapitalismo, pyudalismo at imperyalismo na nagdudulot ng ibayong pagpapahirap at pagsasamantala sa mamamayang Pilipino. Maliwanag sa Compatriots-NDFP na ang tanging solusyon at pagwawakas ng kahirapan at pagsasamantala sa mamamayang Pilipino ay ang pagsusulong ng Pambansang Demokratikong Rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.
Mabuhay ang mamamayang lumalaban!
Mabuhay ang Pambansa Demokratikong Rebolusyon sa Pilipinas!
Mabuhay ang Compatriots – NDFP!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!

