Kasabay ng paggunita sa kapistahan ng Nuestra Senora de Penafrancia (Our Lady of Peñafrancia), naglunsad ang Bicol Pilgrims for Peace ng “Lakbay Dalangin 2025” noong Setyembre 17 hanggang 19 sa Camarines Sur. Umabot sa 500 ang dumalo sa paglalakbay.
Kasama ang mga magsasaka, mangingisda, kababaihan, kabataan at mga taong-simbahan mula sa prubinsya ng Sorsogon, Albay at Camarines Sur, nagsimula ang kanilang martsa sa Archdieocesan of St. Anthony de Padua, syudad ng Iriga at nagtapos sa Basilica Minor na National Shrine of Our Lady of Penafrancia sa Naga City sa Septyembre 19 ng hapon.
Ayon sa Bicol Pilgrims for Peace, layon ng kanilang paglalakbay sa banal na lugar o peregrinasyon ang isulong ang ispiritwal na pagninilay para sa mas malalim na pananampalataya at paninindigan sa pagtulong sa kapwa laluna sa mga nangangailangan bilang tugon na panawagan ng simbahan ngayong “Jubilee Year of Hope”.
“Sama-sama tayo sa paglalakbay na ito, hindi lang sa pisikal na landas, kundi sa landas ng pananampalataya at panlipunang pakikibaka, para isulong ang pangmatagalang kapayapaan na nakaugat sa hustisya, pagkakapantay-pantay at pagtugon sa hinaing ng mga inaapi at pinagsasamantalahan,” paliwanag ng grupo.
Nagpahayag ng suporta ang Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB) sa lakbay-dalangin. Sang-ayon sila na kumilos ang mamamayan upang mawakasan ang pang-aapi, pang-aagaw ng lupa at kawalan ng katarungan na nararanasan ng mga mangingisda at magsasaka.











