Rehimeng Marcos, mga kontratistang sangkot sa korapsyon at anomalya, pinapanagot ng taumbayan

Magkakasunod na piket at demonstrasyon ang inilunsad ng mga progresibong grupo laban sa rehimeng Marcos at mga kontratistang sangkot sa korapsyon at anomalya sa mga proyektong flood control at iba pang imprastruktura. Isinagawa ang mga pagkilos noong Setyembre 4 at Setyembre 5 sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga organisasyon sa ilalim nito.

Sinugod at kinalampag ng People Surge National Alliance of Disaster Survivors and Victims at Kalikasan People’s Network for the Environment noong Setyembre 4 ang upisina sa Pasig City ng St. Gerrard Construction, pag-aari ng mga Discaya, na isa sa mga kontratistang imbwelto sa korapsyon laluna sa mga bulok na proyektong flood control. Binato nila ng putik ang logo at geyt ng kumpanya bilang simbolikong pagpapamalas ng kanilang galit.

Ayon sa mga grupo, malaki ang pananagutan ng mga Discaya sa pagdambong sa bilyun-bilyong pondo ng bayan habang milyun-milyong Pilipino ang nalulubog sa baha tuwing bumabagyo. Kontrolado ng pamilya hindi lamang ang St. Gerrard kundi walong iba pang kumpanya sa konstruksyon.

Kabilang dito ang Alpha and Omega Construction, St. Timothy Construction, Elite General Contractor and Development Corporation, St. Matthew General Contractor & Development, Great Pacific Builders and General Contractor, YPR General Contractor and Construction Supply, Amethyst Horizon Builders and General Contractor & Development Corp., at Way Maker OPC. Sa pananaliksik ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), sinasabing kinopo ng siyam na kumpanya ang 421 proyekto ng gubyerno na nagkakahalaga ng ₱31 bilyon.

Mula 2022 hanggang 2025, naglaan ang dating rehimeng Duterte at ngayo’y rehimeng Marcos ng ₱680.2 bilyon para sa mga proyektong flood control. “Sa halip na protektahan ang mga komunidad, pinayaman lamang ng mga proyektong ito ang mga pulitiko at pinaboran na mga kontratista tulad ng mga Discaya habang milyun-milyong Pilipino ang nananatiling lubgo sa sakuna at pagpapabaya,” pahayag ng People Surge at Kalikasan.

Para sa 2026, walang nagbago sa alokasyon ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at rehimeng Marcos sa flood control na tiyak ang mga grupo na didiretso na naman sa bulsa ng mga burukratang kapitalista. Kaugnay nito, nagprotesta ang grupo ng mga kabataan sa pangunguna ng Anakbayan sa pambansang upisina ng DPWH sa Maynila noong Setyembre 4.

Sa protesta, binansagan ng Anakbayan ang DPWH bilang “Department na Puro Walang Hiya.” Pinagbabato nila bulok na gulay ang geyt ng kagawaran para ipahayag ang kanilang pagkundena.

Binatikos ng grupo ang “palabas” at paghuhugas-kamay ng DPWH at ni Ferdinand Marcos Jr sa harap ng nalalantad na mga anomalya. “Heto na naman tayo, sa tuwing may nalalantad na korapsyon kanya-kanyang pabida ang mga ulupong. Panibagong hugas kamay school of acting ang ginagawa ni Marcos Jr, Sara Duterte, ng Senado, at Kongreso,” pahayag ni Mhing Gomez, tagapangulo ng Anakbayan.

Dagdag pa ni Gomez, imposibleng walang alam si Marcos sa mga proyektong ito. ” Isang malaking kalokohan din na tulad nina Jinggoy, Bato, Go, at Marcoleta ang nag-iimbestiga dito gayong sila mismo ay protektor at magnanakaw,” aniya.

Ayon pa kay Gomez, “kahit ilan pang mga kaso ng pangungurakot sa pondo ng bayan, walang nananagot. Ang mga magnanakaw, sa halip na parusahan, ay nalagay pa sa kapangyarihan.” Malinaw umanong walang aasahan ang kabataan at mamamayan sa gobyernong ito, na aniya, ay ang “pinakamalaking sindikatong nangungulimbat sa kaban ng bayan.”

Sa araw na iyon, naglunsad din ng protesta ang grupong KYUSI 4 Truth and Accountability sa Quezon City at ang Bayan-National Capital Region at ONE Taft sa Pedro Gil para batikusin ang korapsypon ng rehimeng Marcos. Nagprotesta rin ang mga kababaihan sa pangunguna ng Gabriela Women’s Party sa Marikina City.

Noong Setyembre 5, nagsama-sama ang mga grupo sa pangangalampag sa House of Representatives sa Quezon City para kundenahin ang DPWH at si Marcos. Itinaon nila ang pagkilos sa pagdinig para sa badyet ng kagawaran. Isang protesta rin ang pinangunahan ng Bayan-Central Visayas sa DPWH Region 7 sa Cebu City.

Nagprotesta rin ang Bayan-Central Luzon sa San Fernando, Pampanga noong Setyembre 1.

Nag-anunsyo ang Bayan at mga grupo na maglulunsad pa ng mga protesta at demonstrasyon sa darating na mga araw para tuluy-tuloy na kundenahin ang rehimeng Marcos sa laganap na korapsyon.

Source link