Naagaw ang aming pansin ng isang ispesyal na ulat ng Leyte Samar Daily Express (LSDE) noong Agosto 29 hinggil sa kadusta-dustang kalagayan ng mga “dating rebelde” mula sa Eastern Visayas, na nagtaksil at aktibong naging kasangkapan sa todo-atake sa rebolusyonaryong kilusan at masa. Lumalabas na taliwas sa mabulaklak na pangako ng ginhawa at kapayapaan matapos sumuko sa 8th Infantry Division, aminado ang mga kontra-rebolusyonaryong traydor na patuloy silang binabangungot ng kahirapan at kawalang kalayaan.
Itinampok sa artikulo si Alma Gabin, isang nagpapakilalang dating kalihim sa edukasyon ng panrehiyong komite ng Partido sa Eastern Visayas. Para sa kaalaman ng publiko, kailanman ay hindi siya nagsilbi sa katungkulang ito. Katunayan, ni hindi man lang siya nakunsidera para rito. Bagaman naging upisyal ng Partido sa isang prubinsya, tumanggi si Gabin na magpanibagong-hubog at magsakripisyo alinsunod sa hinihingi ng kanyang katungkulan. Tumalilis siya kasama ang asawa at nagtangay ng hindi bababa sa ₱1 milyon at isang sasakyan. Hindi kagulat-gulat ang pag-amin niya na madali lang siyang nakumbinsi na talikuran ang kanyang mga prinsipyo.
Matapos sumuko ay nagsilbi siyang loro ng National Task Force-Elcac. Araw-araw niyang pinagkakitaan ang paglulubid ng kasinungalingan, ang pag-iilusyon sa kathang-isip niyang katungkulan, at ang pamiminsala sa masang naniwala at kumalinga sa kanya. Pinagbabantaan niya ang mga inosenteng tao na “sumuko.” Nagsalita siya laban sa kilusan sa pagdinig sa senado hinggil sa red-tagging. Tagapangulo rin siya ng isang grupo ng mga kapwa taksil na nagbabalatkayo bilang organisasyong masa at nagawang mambudol ng milyong-pondo mula sa European Union.
At ngayon, ayon sa ulat ng LSDE, matapos ang lahat ng ginawa niyang pagsisinungaling at paninirang-puri, nagrereklamo si Gabin. Hawak pa rin siya ng militar, palipat-lipat ng kampo, habang mistulang naka-hostage ang kanyang asawa at ang tatlo nilang anak sa isang pabahay ng PNP. Sa kabila ng ilang milyong pisong pondong hawak niya ngayon, aniya, mahirap pa rin ang kanyang kalagayan.
Ito rin ang inirereklamo ng iba pang surenderi, gaya ng isang nagpakilalang Jason Rafales, na inaming wala siyang hanapbuhay, walang pamasahe at panggastos habang nag-aaral, at umaasa lang sa mga kapwa surenderi. Siya, katulad ng daan-daang iba pa, ay ibinibimbin sa kampo militar para umano tiyaking “ligtas” sila habang itinatayo ang mga pabahay na ipinangako sa kanila. Ngunit hanggang ngayon ay walang naitatayo ni isang bahay sa tinaguriang “Peace Village” sa Pinabacdao, Samar, habang hindi pa tapos ang isa pang proyektong pabahay sa San Jose de Buan, Samar. Pinasinayaan ang dalawang proyekto noon pang 2019.
Sabi ng 46th IB, may dagdag kita naman daw para sa mga “surenderi.” Kung sumali sila sa CAFGU, may buwanan silang sweldo na ₱12,500. Ang hindi nila inamin, nasa ₱500 nalang ang natatanggap ng myembro ng CAFGU dahil karamihan ng sweldo nila ay ibinubulsa ng nakatataas na mga upisyal. May ilang buwan na wala talaga silang natatanggap, bukod pa sa sapilitan silang ginagawang taga-giya at pambala sa mga operasyon.
Gaya nga ng sabi ni Jesus Redaja, isang dati umanong kasapi ng BHB na apat na taon nang surenderi, “walang nagbago” sa kanyang kalagayan.
Ito ang mapait na katotohanan ng pakikipagkasundo sa AFP, na minaliit ng mga kontra-rebolusyonaryong taksil. Inakala nilang tutuparin ng demonyo ang mga pangako ng pabuya at masarap at tahimik na buhay kasama ang pamilya. Sa isang mapagpasyang saglit, kinalimutan nila kung bakit hindi kailanman magagapi ang rebolusyong Pilipino. Maging ang taksil na si Freddie Bolito (kapatid ng martir na si Jorge Bolito, kung kanino nakapangalan ang kumand ng BHB-Southwest Samar), ay kinikilala ang katotohanang hangga’t hindi natutugunan ang kahirapan, kawalang hustisya, kawalang lupa, bulok na batayang serbisyo at pananamantala, may magrerebolusyon. Hindi ito matatapos sa simpleng pagpapababa lang ng armas.
Para sa isang hukbong maralita na kinakalaban ang isang mas malaki, mapera at makapangyarihang AFP, natural na mapait, mabangis at puno ng sakripisyo ang digmaang inilulunsad ng BHB. Nang itinayo ang BHB noong 1969 nagsimula ito sa halos wala. Sa harap ng bawat oplan ng mga papet na rehimen at nang sumasalalay lamang sa sarili, paunti-unti itong nakapagpalawak at nakapagpalakas hanggang sa sinaklaw ang buong bansa. Nagawa ito ng BHB dahil makatarungan ang kanyang layunin at tinatamasa ang mainit at mulat na suporta ng mamamayan. Mapait man ang mga pinagdaanan niyang sakripisyo, napakatamis naman ng bunga nito. Makabuluhan at marangal ang sakripisyo ng pagrerebolusyon.
Kung hindi mulat sa pangangailangan ng pagrerebolusyon, walang sinumang makatitiis sa kahirapang kaakibat nito. Ang pagrerebolusyon ay isang mulat at boluntaryong gawain. Walang sinumang pinipilit na lumahok, at wala ring pinipigilang umalis at magpahinga.
Subalit ibang bagay ang ipagkanulo ang masa at makipagkunsabahan sa mga pasista at mang-aapi. Sinilaw sila sa pangako ng demonyo, inuna ang pansariling interes, at nagdesisyong makinabang sa pamiminsala sa masa at rebolusyon. Kinamumuhian sila ng masa. Ang ilan na tuwirang nagpakakasangkapan sa pasistang mga krimen ng AFP ay marapat na parusahan.
Hindi na mabubura ng mga taksil ang mga kasalanang nagawa nila. Hindi na mababawi ang mga buhay na kinitil, at pinsalang idinulot nila. Gayumpaman, hindi kailanman magiging huli para sa mga taksil, laluna ang mga may menor na kaso, na itigil ang kanilang mapaminsalang gawain. Hindi nila kailangang magpadala sa mga sagadsaring traydor gaya ni Alma Gabin na siyang tinatangi at pinakamaaasahang tuta ng AFP. Nananawagan pa rin kami sa kanila: Wala kayong kapayapaang maaasahan hangga’t nasa piling kayo ng mga demonyo. Itakwil niyo na ang 8th ID. Magkaroon naman kayo ng dignidad.
Hindi dapat paniwalaan ang mga demonyong gaya ng AFP. Paano nila matutupad ang kanilang pangako ng kaunlaran, gayong kahit ang mga pondo para sa mga surenderi, gaya ng E-CLIP na pabuya raw para sa inyo, ay ibinubulsa ng mga kurakot? Paano ipapatupad ng reaksyunaryong gubyerno ang “rehabilitasyon” ninyo, ang mabigyan kayo ng pabahay, hanapbuhay, o iahon kayo sa hirap, gayong permanente itong lubog sa utang, walang pondo, ni hindi makapagbigay-serbisyo sa mamamayan, at masyadong abala na magpabundat ng sarili sa pagnanakaw mula sa pera ng bayan?
Puputi nalang muna ang uwak saka matatapos ang mga pabahay para sa inyo. Hangga’t hindi nawawasak ang sistemang malakolonyal at malapyudal, iitim muna ang tagak bago kayo makakaahon sa hirap. Itatapon lang muna kayo ng 8th ID at AFP na parang lumang basahan laluna kung wala na kayong pakinabang. Huwag nang umasa sa mga hungkag na pangako ng demonyo. Paambunan man nila kayo ng kaunting biyaya, barya lang iyan kumpara sa pakinabang nila sa patuloy na pananamantala sa inyo. Mas mainam na mamuhay nalang kayo bilang sibilyan at maghanapbuhay sa marangal na paraan.
Aminin man nila o hindi, patunay mismo ang karanasan ng mga surenderi na tunay na bulok ang sistema, at tama lamang na magrebolusyon.











