Muling inilantad ng rehimeng Marcos ang sarili sa kawalang interes na tugunan ang hangarin ng taumbayan para sa tunay at pangmatagalang kapayapaan. Sa harap ng ipinag-utos ni Marcos na pinaigting na gera ng AFP sa buong bansa, ipinakikita nitong wala itong gustong tiyakin kungdi ang pagpapasuko sa NPA. Nais nitong alisan ng kakayahan ang rebolusyonaryong mamamayan na ipaglaban ang kanilang mga karapatan at karaingan bilang mga batayan sa pagtatamasa ng kapayapaan.
Ang ang tanging gustong iabante ng rehimeng Marcos ay ang pagdisarma at pagsalong ng armas ng mamamayang lumalaban at supilin ang kanilang mga pakikibaka, sa halip na magsikap na ibigay sa mamamayan ang mga salik para tungtungan ng kapayapaan. Tuso ang binuo nitong National Action Plan for Unity, Peace and Development. Habang nagpeprente sa mga salita na pagkakaisa, kapayapaan at kaunlaran, ang nilalaman nito ay pinatinding gerang panunupil sa CPP-NPA-NDFP at nakikibakang mamamayan.
Sa Rizal, hindi natigil ang mga operasyong militar na tumutugis sa yunit ng NAAC, sa kabila ng deklarasyon ni Marcos na “wala nang mga grupong gerilya”. Kasabay nito, patuloy na nadadagdagan ang mahabang listahan ng mga krimen ng 80th IB, 202nd IBde at 2nd ID sa mamamayan. Ang mga kaso nito noong nakaraang taon ng pagnanakaw ng tanim, pananakit at pagbubulabog sa mga eskwelahan, ay nadagdagan ng halos buwan-buwan nitong pagbase sa mga bahayan sa Montalban, Antipolo at Tanay, paninindak sa mga katutubong Dumagat at Remontado, pagmamanman, harasment at red-tagging sa mga progresibong indibidwal at grupo. Mga batayan ito kung bakit suklam na suklam ang mga Rizaleño sa AFP-PNP, kung saan walang anumang bahid ng payapa na nararanasan sa presensya ng mga ito at sa halip ay pawang perwisyo, takot at ligalig lamang.
Ang ganitong paghahasik ng teror at nasa ubod ng layunin ng NAP-UPD ay para paglingkuran ang mga panginoong maylupa at malalaking burgesya-kumprador sa likod ng mga kontra-mamamayang proyekto. Sangkap ang pasismo sa pagtatayo ng mapaminsalang Wawa Dam, gayundin, ng Tanay at Antipolo Wind Energy Project na dinadaing ng masa na malaking pinsala sa kanilang tubig at kabundukan. Hanggang ngayon, nakaamba ang proyekto ang Kaliwa-Kanan-Laiban Dam na ilang ulit na mas mapangwasak at aagaw ng lupa at kabuhayan ng mamamayan.
Kamakailan lamang ang mga Dumagat-Remontado at mga residente sa Sityo Nayon, Barangay Sta. Ines sa Tanay ay muling piniperwisyo ng 80th IBPA, CAFGU at ng kanilang mga ahente ng paniktik. Matapos sumama ng mga katutubong Dumagat sa pagkilos noong Hulyo at magparating ng kanilang hinaing sa SONA ng pangulo ay hindi na sila tinantanan ng pananakot, pagbabanta, harasment at panunupil. Agad na pinabuwag ang kanilang samahan na para lamang sa bagsakan ng kanilang mga produktong gulay at prutas; pinagbabawalan silang sumama sa mga rally; pinagbabawalan silang magpatuloy ng mga bisita; maging ang kanilang kabuhayan ay pinagbabawalan, pinipigilan ang mga tsuper ng dyip na huwag magpa-arkila sa mga katutubo kapag magbababa ng kanilang produkto sa bagsakan.
Ang mga inilulunsad na relief distribution ng iba’t-ibang organisasyong sumusuporta sa mga katutubo at sa kalikasan ay pilit na ginugulo at tinangkang pasukin ang programa. Kung hindi sila susunod sa mga militar ay pinagbabantaan silang kakasuhan ng rebelyon o di kaya’y baka matulad sa pinasalang nilang dalawang katutubo na sina Randy at Puroy Dela Cruz noong Bloody Sunday Massacre sa Timog Katagalugan, kung saan 9 lahat ang pinaslang noong Marso 7, 2021.
Pinagbantaan rin at binabalik-balikan ng pwersa ng mga estado ang pamilya nina Randy at Puroy Dela Cruz na huwag nang magsampa ng reklamo kapalit ng pera.
Mula noon ay nagkampo muli ang 80th IB at CAFGU malapit sa kanilang komunidad at simbahan, nakikitang umiikot sa baryo na may dalang machine gun at nagpapa-forum halos araw-araw upang takutin at pagbantaan na hwag magpapatuloy ng mga organisayon na tumutulong sa kanila at ang isa pang kabataan ay pinakalat nila ang larawan at sinasabing rekruter daw ng NPA.
Ang mga ito ay tahasang paglabag sa batayang karapatan, CARHRIHL at internasyunal na makataong batas. Ganito ang kapayapaang nais ng rehimeng US-Marcos II sa ipinapatupad na NAP-UPD at usapang pangkapayapaan—isang kapayapaang nakabatay sa katahimikan dahil sa panunupil, pang-aapi at pagpaslang.
Ilan lang ito sa mga nagpapahirap sa masang Rizaleño na naglalayo sa kanila sa anumang mapayapang pamumuhay. Ito rin ang ilan lamang sa batayan kung bakit hindi matatapos ang rebolusyon, dahil hindi matitigil ang rebolusyonaryong mamamayan sa pakikipaglaban at pakikipagdigmaan para ipundar at itayo ang gubyerno ng mamamayan na maglalatag ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
Hindi kailanman matitinag ang NAAC at buong NPA sa pagsusulong ng digmang bayan para ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan. Ito ay ang magiting na pagbabago at pagtatayo ng lipunan mula sa sariling lakas ng mamamayan, na siyang tanging maaasahang landas tungo sa makatarungan at pangmataalang kapayapaan.











