Malikhain ang mga kasama sa pagpili ng pangalan sa loob ng rebolusyunaryong kilusan. Mula sa mga artista hanggang sa mga bagay na makikita sa kapaligiran tulad ng kahoy, bulaklak at iba pa, ang mga piniling pangalan sa pakikibaka ay may pinanghuhugutan, batay sa personalidad, sa nais iparating at gustong isabuhay.
Dito magsisimula ang Rodante Urtal Command sa pag-alala at pagbabahagi ng buhay ng dalawang kabataang kasama na walang pag-aalinlangang binuksan ang kanilang kaisipan, at mula sa kanilang karanasan ay higit pang inaral ang lipunan, nagpunyagi at buong-pusong niyakap ang pagiging makatarungan at makatwiran ng pagsusulong ng rebolusyon.
Kabilang sina Ka Edmun “Dalisay” Oros at Ka Edwin “Alas” Ventura sa libu-libong kabataang magsasaka sa Northern Samar na nakaranas ng matinding pagdarahop. Ipinanganak sila sa mga bayang kabilang sa mga nangunguna sa may pinakamataas na bilang ng mahihirap. Si Ka Dalisay ay nagmula sa Barangay Canmaria, Lapinig habang ipinanganak naman sa Barangay Senonogan de Tubang, Silvino Lobos si Ka Alas. Ang pangalan ng baryo ni Ka Alas ay hango sa kasaysayan nito kung saan sinunog ng pasistang 19th Infantry Battalion ang nasabing komunidad sa ilalim ng rehimeng Corazon Aquino.
Sa halip na mag-aral, binalikat ni Ka Dalisay ang responsibilidad sa pamilya bilang lalaking panganay na maging katuwang sa paghahanap-buhay ng kanyang ama, kaya nakatuntong lamang siya ng elementarya. Ang koprasan, palayan at sagingan ang nagsilbi niyang paaralan habang ang sundang, sako, at lukbahan ang nagsilbing papel at lapis. Natuto siya ng higit pa sa “abakada”: maaga niyang napagtanto ang usapin ng pagsasamantala at pang-aapi. Ngunit sa kabila ng kayod-kalabaw na pagtatrabaho, maliit lang ang nakukuha niyang kita dahil nakikisaka lamang sila.
Hindi naman nakapag-aral si Ka Alas, hindi dahil sa ayaw niya, kundi dahil sa mahabang panahon ay nanatiling barung-barong hanggang sa tuluyang nabulok ang “paaralan” sa kanilang baryo. Dahil malayo ang kanilang lugar at may kahirapan sa transportasyon, hindi naging prayoridad na programa ng reaksyunaryong gubyerno ang pagtatalaga rito ng guro. Kalaunan, sa impluwensya ng rebolusyunaryong kilusan, nagkaroon ng isang boluntir na guro na nagturo sa mga bata at matatandang estudyante na nais matuto.
Kahit malamya at sakitin, sinikap ni Ka Alas na tumulong sa paghahanapbuhay lalo’t apektado ang kanilang kabuhayan dahil sa pesteng bunchy top sa kanilang tanim na mga abaka. Sumasama siya sa pagkokopras sa kaniyang tatay at pagtatanim ng mga kamoteng kahoy sa kanilang bukirin. Ang kawalan ng panlipunang serbsisyo tulad ng edukasyon, pagkasira ng kanilang maliit na kabuhayan, matinding kahirapan at kawalan ng pananagutan mula sa reaksyunaryong gubyerno ang nagmulat kay Ka Alas para suportahan ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan sa kanilang baryo.
Kapwa naging kasapi ng Kabataang Makabayan sina Ka Dalisay at Ka Alas bago boluntaryong magdeklarang buong panahong kumilos bilang mandirigma ng BHB. Naging Pulang mandirigma si Ka Alas noong 2017 habang 2020 naman nagpultaym si Ka Dalisay. Sa loob ng hukbo, masipag at masigasig silang gumampan ng pulitiko-militar na gawain habang patuloy na nagpapanibagong hubog.
Nagsilbing opisyal sa linya ng gawain si Ka Dalisay sa ilang panahon habang naging opisyal din ng iskwad si Ka Alas. Sa hukbo, naigpawan ni Ka Dalisay ang paging mahiyain. Sa pagpupursige, natuto si Ka Alas na kumilala ng letra, magbasa at magsulat. Dahil sa mahusay nilang paggampan ng gawain, naging kasapi ng Partido si Ka Alas bago magtapos ang 2017, at si Ka Dalisay naman noong 2021.
Maraming beses na sinubok ang tatag at paninindigan ng dalawang Pulang mandirigma. Hinarap nila ang mga panloob na tunggalian sa organisasyon na natural at bahagi ng pag-unlad, gayundin ang mga personal na problema. Ngunit, dahil sila ay mabubuting anak ng bayan at mulat sa kanilang uri, taimtim silang nakikinig sa mga payo at aral kung paano wastong haharapin ang mga problema at ibayo pang magpursige. Sa mga panahong ginigipit hanggang tuluyang pinaslang ng pasistang kaaway ang kanilang mga kamag-anak, sa kasagsagan ng matitinding pag-atake ng kaaway sa masa, at sa walang puknat na focused-military operations, blokeyo sa ekonomya at iba pa, kailanman ay hindi sila bumigay.
Walang-duda, naging matatag sina Ka Alas at Ka Dalisay. Hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, binigo nila ang 4th Scout Ranger Battalion at 78th Infantry Battalion sa layunin nitong pasukuin sila at gamitin laban sa masa at kilusan. Namartir sa labanan nitong Marso 16 si Ka Dalisay, habang Agosto 27 naman namatay si Ka Alas. Kapwa sila namartir sa Barangay San Jose, Mapanas, Northern Samar.
Sina Ka Dalisay at Ka Alas ay buhay na patunay kung paanong ang mga pangkaraniwang mamamayan, dahil pinagkaitan ng mga batayang karapatan ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal, ay namulat at nagdesisyong tahakin ang makatwiran at makatarungang landas ng paghawak ng armas at ipagtanggol ang kanilang uri sa matinding pagsasamantala at pang-aapi. Natutunan nilang hindi sapat na tanggapin lang ang kanilang abang kalagayan; ang mga tulad nilang anakpawis ay kailangang mapagpasyang makibaka. Sa kanilang paglahok sa digmang bayan, napatunayan nina Ka Alas at Ka Dalisay na kaya ng masa na kolektibong paunlarin ang kanilang kabuhayan makibaka para sa kanilang demokratikong interes. Higit sa lahat, napatunayan nilang dakila at makubuluhan ang mag-alay ng buhay para sa sambayanan.
Ang mga rebolusyonaryong pangalang Alas at Dalisay ay sumasalamin sa kanilang ginintuang mga halimbawa. Sila, kasama ng buong uring magsasaka at sambayanan ay nagsisilbing alas sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Dalisay ang kanilang pagmamahal para masang inaapi at sa bayan.











