Mariing kinundena ng Kabataan Partylist (KPL)-Ilocos Norte ang planong pagpapatayo ng imbakan ng mga bala ng tropang Amerikano sa Camp Cape Bojeador sa Burgos, Ilocos Norte, kasabay ng pagpapatayo ng pagawaan ng bala sa Subic.
Ayon sa grupo, ang mga proyektong ito ay hindi maghahatid ng kapayapaan o kaunlaran para sa sambayanang Pilipino. Sa paggamit ng US sa mga komundad bilang imbakan ng kanilang gamit militar, lalo lamang nitong kinakaladkad ang mga Pilipino sa gera sa pagitan ng US at China.
Bulok ang katwiran ng rehimeng Marcos na may benepisyo sa ekonomya at pambansang seguridad ang mga ganitong proyekto ng US sa Pilipinas. Ipinapakita nito na sunud-sunuran lamang ang rehimeng Marcos sa dikta ng kanyang imperyalistang among US, ayon sa kabataan.
“Nangangamba kami na ang mga bala na malilikha at iiimbak sa bansa ay gagamitin laban sa mga Pilipino mismo, na magpapaigting sa kontra-insurhensyang operasyon at paglala ng mga paglabag sa karapatang-tao sa bansa. Dagdag dito, tiyak na magiging target ang mga komunidad ng mga kalaban ng US dahil sa mga imbakan,” paliwanag ng KPL-Ilocos Norte.
“Nananawagan kami sa kabataang Ilokano at lahat ng mamamayang nagmamahal sa kapayapaan, na tumindig para sa ating karapatan at kasarinlan, tutulan lahat ng banta na hatakin tayo sa gerang agresyon ng US,” dagdag ng grupo.










