Higit 30 mga organisasyon at alyado ng Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS) mula sa 10 bansa ang lumahok sa itinakda nitong taunang Global Day of Action noong Agosto 26 sa. Sa taong ito, kinundena ng pandaigdigang grupo ang pekeng kapayapaang ibinabandera ng rehimeng Marcos at higit na tumitinding panunupil nito sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino.
Ayon sa grupo, nagsagawa ng iba’t ibang mga aktibidad sa mga syudad sa Europe, North America, Hongkong hanggang New Zealand. Ang ilang grupo ay nagprotesta sa harap ng embahada at konsulado ng Pilipinas sa kani-kanilang mga bansa, habang mayroong sama-samang nanood ng pelikula, naglunsad ng mga talakayan, nagkabit ng mga poster at nagpinta ng graffiti at iba pa.
“Paano sasabihin ni Marcos na tagapagtaguyod siya ng kapayapaan samantalang siya ang pangunahing nag-uudyok ng kaguluhan?” pahayag ni Robert Reid, tagapangulo ng FFPS. Aniya, habang ang mga Pilipino ay dumaranas ng kawalan ng lupa, mababang sahod, pagtaas ng mga presyo, at iba pang mga sistemikong problema sa ilalim ng pamumuno ni Marcos, walang tigil ang gubyerno sa pag-atake sa sinumang mangahas na lumaban.
“Dapat nating tawagin ito sa tunay nitong anyo: isang gera ng panunupil. Ang mga masaker, pagpatay, kontrol ng militar, at pambobomba sa mga rural na komunidad ay naging patakaran na ng gubyernong ito,” ayon kay Reid. Sa isang porum ng FFPS noong Agosto 18, binatikos ng grupo ang bagong patakaran ng rehimeng Marcos na National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) 2025-2028 bilang balangkas ng kasalukuyang kampanyang panunupil ng rehimen.
Pahayag ni Reid, ang mga patakarang ito ng rehimeng Marcos ay nakabalangkas at sinusuportahan ng US. Sa ilalim ng rehimen, higit na umigting ang kapit ng US sa bansa at tuluy-tuloy ang pagbubuhos ng pondong militar, pagtatayo ng mga base militar at paglulunsad ng war games sa teritoryo ng Pilipinas. “Ginagatungan ng dayuhang ayudang militar at pampulitikang suporta ang mga krimen sa digma ni Marcos,” ayon pa kay Reid.
Sa harap ng kampanyang panunupil ng rehimen at pinatinding panghihimasok ng US sa bansa, sinabi ng FFPS na ang rebolusyonaryong kilusan na kinakatawan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pinakamainam na landas ngayon para kamtin ang tunay na pagbabago para sa mamamayang Pilipino.
“Ang programa nito ay tumutugon sa mga tunay na problema na nagtutulak sa mga Pilipino na tumangan ng armas. Ang isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ay makakamtan lamang kapag natupad ang hangarin ng mamamayan para sa pambansang kalayaan at panlipunang pagbabago,” pahayag ni Lidia Rodenburg, koordineytor ng Maya Solidarity sa Netherlands.
Ayon kay Rei X ng Canada-Philippine Solidarity Organization, “ang pambansa-demokratikong rebolusyon ay pagpapahayag ng kagustuhan ng sambayanang Pilipino para sa tunay na pagbabago, at ang digmang bayan na isinasagawa sa kanayunan ay isang lehitimong paraan upang makamit ito.”
Pahayag ni Reid, “pinatunayan na ng kasaysayan na walang anumang uri ng pasistang panunupil ang magtatagumpay sa pagpapatay sa rebolusyonaryong apoy ng demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino. Nanawagan siya sa lahat ng mga organisasyon at alyado ng FFPS na higit pang palakasin ang kanilang hanay at suporta upang makapag-ambag ng makabuluhan sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino.
Ang taunang pagkilos ng FFPS ay itinataon tuwing huling linggo ng Agosto bilang paggunita sa Sigaw ng Pugad Lawin, ang makasaysayang pangyayari noong Agosto 23, 1896, kung saan inihayag ng Katipunan sa pamumuno ni Andres Bonifacio ang pag-aalsa laban sa kolonyalistang Espanyol.










