Nanawagan kamakailan ang Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (SUKI) Network para sa agarang pagsuspinde sa paniningil ng negosyo ni Ramon Ang na New Ninoy Aquino International Airport Corporation o NNIC ng mas matataas na singil para sa mga serbisyo sa Ninoy Aquino International Airport. Ang mga pagtaas ay aprubabo ng Manila International Airport Authority o MIAA. Higit dito, nanawagan ang grupo na ipawalambisa ang kontrata ng pribatisasyon sa pagitan ng NNIC at ng estado.
Binatikos ng network na “iligal”” ang pagtataas ng MIAA dahil diumano hindi ito dumaan sa mga konsultasyon. Tiyak na tutol dito ang mga overseas Filipino worker (OFW) dahil dagdag pasanin ito sa kanila, anito. Sa atas ng MIAA, itinaas ang traveler’s fee para sa lokal na byahe nang 95% o mula ₱200 tungong ₱390, at ang traveler’s fee para internasyunal na byahe nang 73% o ₱400 tungong ₱950.
Walang ibang nakinabang sa pagtaas ng mga bayarin sa paliparan kundi si Ang at ang kumpanya nitong San Miguel Corporation (SMC) na mayor na bahagi ng NAIA Corporation, ayon sa Ibon Foundation.
Bago pa isinapribado ang paliparan, bilyun-bilyong piso na ang kita nito, mayorya mula sa mga terminal fee. Noong 2023, kumita ng ₱4.3 bilyon ang paliparan. Lumaki ito tungong ₱7.6 bilyon noong 2024 dahil sa paglaki ng bolyum ng mga bumibyahe mula 45.4 milyon katao tungong 50.3 milyon.
“Ang paparaming mga byahero at pagtaas ng mga bayarin ay magreresulta sa bilyun-bilyong dagdag na kita para sa SMC,” pahayag ng Ibon. “Sa ilalim ng NAIA PPP, pwede pang magpanukala ang SMC ng dagdag na mga bayarin sa susunod na mga taon, at (sa gayon) gamitin ang krusyal na serbisyong pampubliko na ito bilang palabigasan ng pribadong kumpanya.”
Idiniin naman ng SUKI network na bilang bahagi ng pampublikbong serbisyo, hindi dapat isinapribado ang NAIA. “(T)ungkulin at responsibilidad ng gubyerno na paunlarin ang pampublikong serbisyo, at hindi ito dapat ibinibigay ito sa pribadong sektor na naghahangad ng kita,” ayon sa network.











