Kinundena ng lokal na mga grupo aktibista at residente ang planong pagtatayo ng 247 megawatt Banahaw Wind Power Project ng GigaWind4, Inc., isang subsidyaryo ng ACEN Corporation ng Ayala Group.
Ayon sa Save Bundok Banahaw Network (SBBN), banta ang proyekto sa komunidad at kalikasan, at sisira sa bundok banahaw. Nasa 4,567 ektarya ang saklaw ng proyekto sa bahagi hangganan ng Sariaya, Quezon at sa mga barangay ng Alitao, Anos, Baguio, Bukal Ibaba, Bukal Ilaya, Calantas, Calumpang, Gibanga, Ipilan at Malaoa sa Tayabas City.
Sa 38 wind turbine generators (WTG), 28 dito ay itatayo sa loob ng 3-kilometro na palibot ng Bundok banahaw-San Cristobal Protected Landscape (MBSCPL), habang ang natitira ay loob ng 10-kilometro ng “heritage and cultural site” ng Tayabas City.
“Ang kagubatan ng Banahaw, mga talon, ilog at matatabang lupa na nagsusustento sa pagsasaka at pag-aalaga ng hayop, ang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente. Ang pagsira sa maseselan na saribuhay ng bundok ay magdududulot ng pagbaha, pagkasira ng lupa, kawalan ng kabuhayan at pagpalayas sa mga residente,” paliwanag ng SBBN.
Maliban sa importansya ng bundok sa ekolohiya, isa itong banal na bundok, na may malalim na ispiritwal at kultural na halaga para sa mga komunidad ng Quezon at Laguna.
Tinawag namang “huwad na proyektong pangkaunlaran” ang wind farm ng mga kritiko. Anila, wala itong pinagkaiba sa operasyong kwari sa Sariaya na sumira at binago ang kalupaan at naging banta sa seguridad sa pagkain ng mga residente.
Ayon sa grupo, ang proyektong ito ay bahagi ng mahabang kasaysayan ng pamilyang Ayala ng pangangamkam ng lupa tulad ng ginagawa nito sa Lupang Tartaria sa Silang,Cavite. Ang Banahaw wind project ay isa lamang panibagong porma ng ‘agresyong pangkaunlaran’ na nagsisilbi sa interes ng malalaking kumpanya kapalit ng pagkasira ng kalikasan at pagtaboy sa mga komunidad.
“Nilalako nila ito bilang isang berde at renewable energy, ngunit ang tunay na motibo ng kumpanya ay magkamal ng malaking kita ng walang pagsalang-alang sa kalikasan o sa mamamayan,” dagdag ng SBBN.
Nananawagan ang SBNN sa lahat ng mga residente ng Sariaya at Tayabas, at sa mga nagsusulong ng pagprotekta sa kalikasan sa buong bansa, na labanan ang proyekto.
Maliban sa Banahaw Wind Farm, may apat pang wind farm na tinatayo sa prubinsya ng Quezon. Kabilang dito ang 345 MW Quezon North Wind Project sa pagitan ng Mauban at Real, Quezon at 500MW Real Wind Energy sa Real Quezon, parehong pagmamay-ari ng ACEN Corp., 62.4MW Alabat Island Wind Project ng Alternergy Holdings Corp., at 200MW Quezon Wind Power Project ng Energy World Kanan River Corp. sa General Nakar, Quezon.











