Sa pag-igting ng kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Marcos II, nakahanda ang lahat ng yunit ng NPA, rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa Mindoro at rehiyong Timog Katagalugan na buong giting na labanan at biguin ang kampanyang paglipol ng AFP.
Inanunsyo ngayong Agosto ni Major General Ramon Zagala, Kumander ng 2nd Infantry Division (2nd ID) ng Philippine Army, ang isang pinaigting na kampanyang nyutralisasyon sa mga “natitirang elmento” ng NPA sa Mindoro bago matapos ang 2025. Ayon sa 2nd ID, kinonsentra nila sa isla ang signipikateng bilang ng mga rekurso at personel ng Philippine Army bilang bahagi ng pinalawak na “kontra-insurhensyang” estratehiya. Kasingkahulugan nito ang pagtutok ng kampanyang panunupil at walang habas na terorismo sa isla. Ang “nyutralisasyon” para sa AFP ay nangangahulugan ng malahalimaw na pagpapataw ng pasismo kapwa sa rebolusyonaryong pwersa at mamamayan. Kasunod nito ang pagpunta mismo ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner sa Mindoro para pataasin ang moral ng mga militar na nabigong pinsalaan ang mga Pulang madirigma noong Agosto 12. Inudyukan niyang paigtingin ang kampanyang panunupil sa isla.
Ramdam sa Mindoro ang pinaigting na atake ng AFP sa pagsalikop ng mga berdugong pwersa sa isla matapos ang sunud-sunod na mga engkwentro sa mga bayan ng Baco, Roxas at Mansalay ng Oriental Mindoro. Sa buwan pa lamang ng Agosto, apat na labanan na ang naganap sa pagitan ng mga yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro at mga pwersa ng 2nd ID, 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA.
Karugtong ng mga labanan ang halimaw na pang-aatake sa masang Mindoreño kung saan naitala ang mga kaso ng pagpatay sa sibilyan, sapilitang pagpapalikas, blokeyo sa pagkain, pagtatakda ng curfew sa pagpoproduksyon o pagbabawal dito sa ilang kaso at iba pa. Sa Baco, gutom ang inabot ng mga Mangyan na sapilitang inilikas sa mga evacuation center kung saan iniulat na isang beses lamang silang nakakakain kada araw. Masahol pa, hinaharas ng 203rd Brigade ang mga grupong makatao at institusyong mapagkawanggawa na magsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa mga paglabag sa karapatang tao at maghahatid ng serbisyong ligal, pangkalusugan at relip sa mga biktima.
Ang pagpapatindi ng atake sa Mindoro ay nakaayon sa bagong ipinatupad ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at AFP na programang National Action Plan for Unity, Peace and Development. Isa itong desperadong hakbang ng AFP at ng rehimen upang hibang na patunayan ang inanunsyo ni Marcos Jr. sa kanyang nakaraang State of the Nation Address na “wala nang pwersang gerilya sa bansa”. Nagkukumahog si Marcos Jr. at AFP na pulbusin ang mga pwersang gerilya sa gitna ng target ng estado at kumpas ng imperyalismong US na ipihit ang mga pwersa ng AFP-PNP sa eksternal na depensa upang maiputok na ang nilulutong gera ng US laban sa China.
Tinik sa lalamunan ng rehimeng US-Marcos II ang pagpupunyagi ng mga yunit ng NPA at pananatiling matatag ng rebolusyonaryong kilusan sa isla. Sagka ang rebolusyonaryong kilusan sa isla sa mga plano ng imperyalismong US at reaksyunaryong estado. Bukod sa mga nakaambang proyektong mina at huwad na proyektong pangkaunlaran sa isla, ang Mindoro ang pinakamalapit at katabing isla ng Palawan kung saan aktibo at walang-patlang na inilulunsad ang mga pagsasanay-militar at konstruksyon ng mga base at pasilidad-militar ng US at AFP.
Sa harap nito, pinatutunayang walang ibang masasaligan ang mamamayang Mindoreño upang ipagtanggol ang lupa at kamtin ang tunay na demokrasya kundi sa rebolusyonayong kilusan. Ang labis na pagpapahirap ng estado, paghuhuthot sa yaman ng bayan, kriminal na pagpapabaya sa hinaing ng mamamayan at tugon nitong karahasan sa bawat makatarungang paglaban ay nagtutulak sa mga Mindoreño na magkaisa at makibaka. Ang rebolusyonaryong kilusan lamang ang tanging nakatuwang ng mamamayang Mindoreño at katutubong Mangyan para mabawi ang lupa sa mga panginoong maylupa at pastuhan ng baka at ipagtanggol ito sa pangangamkam ng mga dayuhang mina at huwad na proyektong pangkaunlaran. Ang rebolusyonaryong kilusan din sa isla ang nakatuwang ng mamamayang Mindoreño lalo ng mga katutubong Mangyan na paunlarin ang produksyon. Kasabay nito ang pagtataguyod ng Pulang kapangyarihan para tamasahin ng masang api ang karapatang pamahalaan ang sarili, kamtin ang rebolusyonaryong katarungan at serbisyong panlipunan.
Sa kasaysayan ng Partido at Hukbo, pinatunayan nitong ito ay para sa mamamayang api at siyang tunay na masasaligan ng masang anakpawis sa Mindoro. Hindi ngayon kataka-taka kung bakit nabigo sa kasaysayan ang mga ipinatupad na kampanyang supresyon sa isla. Nagawang biguin ang mga nagdaang kontra-rebolusyonaryong kampanya sa Mindoro dahil sa kawastuhan ng isinusulong na demokratikong rebolusyong bayan. Mayaman ang tradisyon ng paglaban ng mamamayang Mindoreño at katutubong Mangyan para sa lupa, kabuhayan, karapatan at kalayaan. Handa silang isulong ang armadong pakikibaka at mag-ambag sa kurso ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa buong bansa.
Habang lumipas na sa basurahan ng kasaysayan ang mga naturang kontra-rebolusyonaryong kampanya, nananatiling matatag at nakatayo ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro. Sa gitna ng ipinatutupad ngayong kampanyang nyutralisasyon sa Mindoro, nararapat balik-aralan ang mayamang tradisyon ng rebolusyonaryong paglaban ng mamamayang Mindoreño na bumigo sa Oplan Habol Tamaraw ni Gen. Jovito Palparan noong rehimeng US-Arroyo at ang pinaigting na kampayang supresyon noong itinakda ng Southern Luzon Command ang Mindoro bilang sentro ng kontra-rebolusyonaryong gera sa Timog Katagalugan sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Humugot din ng mga aral sa mga tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan sa pagbigo sa mga pambansang kampanyang “kontra-insurhensya” mula PNP Experiment at Oplan Saliksik noong dekada ’80 at ’90, Oplan Habol Tamaraw ng rehimeng US-Arroyo; at ang pinakamabangis na JCP-Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte.
Dapat panatilihin ang mahigpit na ugnayan ng NPA at masa. Ang pagsasanib-pwersa ng Hukbo at mamamayan ay higit na malakas na kapangyarihan laban sa AFP-PNP at anumang makabagong sandata nito. Ipinakita sa nagdaang 56 taon na sa pagtutulungan ng NPA at masa, sa gabay ng Partido, ay nagawang biguin ang anumang atake ng estado.
Palakasin at salimbayang paunlarin ang armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagpapatatag ng baseng bukid. Pakilusin ang lahat ng aping mamamayan na may kapasidad na lumaban. Gamitin ang lahat ng sandata–baril, itak, pasulo at iba pang katutubong armas para atakehin at pahinain ang kaaway. Durugin ang mga berdugo at samsamin ang kanilang mga armas. Ipaglaban ang kabuhayan sa gitna ng matinding kampanyang supresyon. Hindi dapat gawing hadlang ang panggigipit ng estado para igiit ang karapatan sa kabuhayan. Maglunsad ng mga opensibang ligal kagaya ng pagpapalayas sa mga abusadong militar at pagsasampa ng kaso sa mga opisyal at kawal na may mga paglabag sa karapatang tao. Makipaggitgitan sa kaaway at panatilihing nakatindig ang mga samahang masa sa gitna ng atake.
Higit na patibayin ang hanay at magpunyagi sa gitna ng pasistang pang-aatake. Sa gitna ng lukob ng pasistang militar, nakatitiyak na makakamit ang liwanag sa tanglaw ng Partido, higpit ng kapit sa prinsipyo at pagsalig sa masa.
Ubos-kayang makibaka hanggang tagumpay!
Lumaban para magpalakas, magpalakas habang lumalaban!











