Tinutulan ng grupong Asian Migrants Coordinating Body (AMCB-IMA-HKM), ang panukalang petisyon na “i-freeze” o pigilan ang pagtaas ng minimum na sahod ng mga migranteng kasambahay sa gitna ng tumataas na tantos ng implasyon sa Hong Kong. Ayon sa grupo, ang pagpigil sa pagtaas ng sahod ay lalo lamang magpapalala sa kalagayan ng mga kasambahay at magtutulak sa kanila na mabaon sa utang.
Ang petisyon na ito ay inihain ng Quadripartite Alliance for Harmonious Employment Practices, grupong kumakatawan sa mga kapitalista, sa Labour Department ng bansa. Anila, ang pag-“freeze” sa sahod ng mga kasambahay ay naaayon lamang dahil naka-“freeze” ngayon ang sahod ng mga empleyado ng gubyerno. Baluktot nilang pagdadahilan, kailangang ipatupad ang pag-“freeze” para maging patas sa mga empleyado ng gubyerno.
Noong Setyembre ng nakaraang taon, nag-anunsyo ang gubyerno na tataasan ng 2.5% ang minimum na sahod ng mga kasambahay, mula sa HK$4,870 tungo sa HK$4,990. Walang pagtaas sa alawans para sa pagkain na HK$1,236 kada buwan o halos HK$40 lamang kada araw.
Kinutya ng AMCB ang napakaliit na pagtaas na ito. Ang panawagan ng grupo ay magpatupad ng HK$120 na dagdag sa sahod na magbibigay sana ng kahit maliit na alwan mula sa pagdurusa ng mga kasamabahay at mapang-alipin na antas ng sahod.
Kasalukuyang nahaharap ang gubyerno ng Hong Kong ng HK$87.2 bilyon na kakulangan sa badyet para sa taong 2024-2025. Pangatlo na itong taon na pagkakaroon ng malaking depisito sa badyet ang bansa. Tumaas din ang tantos ng kawalan ng trabaho ng 3.5% habang nasa 2-3% lamang ang paglago ng ekonomiya.
Ayon sa AMCB ginagamit ng gubyerno ang mga kasambahay bilang panakip butas sa nararanasang implasyon ng mga kapitalista sa bansa. Anila, dapat tugunan ng gubyerno ang kawalan ng trabaho, pagpigil sa implasyon at pagtaas ng mga bayarin tulad ng upa sa bahay, transportasyon at iba pa.
“Hindi solusyon sa kinakaharap na problema ng mamamayan ng Hong Kong ang pagpigil sa pagtaas sa sahod ng mga kasambahay. Dapat igiit ang nakabubuhay na sahod para sa lahat ng mga manggagawa at hindi ang pagsasamantala sa mga kasambahay kapalit ng “pagiging kumportable” ng mga kapitalista,” dagdag ng grupo.
“Ang panukalang ito ay nagbabalewala sa krusyal na papel ng mga kasambahay sa lipunan ng Hong Kong. Sinusuportahan namin ang mga pamilya, nangangasiwa sa bahay at nag-aambag sa lokal na ekonomya habang nahaharap sa mahabang oras ng pagtatrabaho at limitadong pribasiya,” paliwanag ng grupong Filipino Migrant Workers’ Union-Hong Kong.
“Patuloy kaming nakikiisa sa mamamayan ng Hong Kong para sa nakabubuhay na sahod para sa lahat, at nananawagan na isama ang mga migranteng kasambahay para sa minimun na sahod. Kami ay manggagawa, hindi alipin,” pahayag ng AMCB.
Ang mga kasambahay sa Hong Kong ay hindi kabilang sa nakakakuha ng mimimum na sahod para sa mga manggagawa sa bansa na HK$42.1 kada oras, at obligadong tumira sa bahay ng kanilang amo.











