Kasong “terrorism financing” laban sa tagapagtaguyod ng karapatan ng magsasaka sa Ilocos, ibinasura

Upisyal na ibinasura ang reklamong “terrorism financing” o paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act (TFPSA) of 2012 na isinampa ng mga pwersa ng estado laban kay Myrna Zapanta, taong-simbahan at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magsasaka sa Ilocos. Ayon sa resolusyon ng Department of Justice (DoJ) na may petsang Mayo 29, walang sapat na ebidensya at bigo ang mga saksi ng estado para patunayan ang kredibilidad ng kanilang paratang kay Zapanta.

Kinilala ng Solidarity of Peasants Against Exploitation (STOP Exploitation), panrehiyoong balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa Ilocos, ang naging desisyon ng ahensya. Si Zapanta ay kasalukuyang lider ng Social Welfare Desk ng grupo.

Ang reklamong kinaharap ni Zapanta ay isinampa ng mga pulis noong Oktubre 2024. Pinaratangan siyang nagbigay ng pera sa Bagong Hukbong Bayan (BHB), na arbitraryong itinalaga ng reaksyunaryong gubyerno na “terorista.” Idinawit rin sa kaso sina Lenville Salvador at Petronila Guzman.

Ginamit ng mga pulis bilang saksi sa kaso ang nagpapakilalang myembro ng BHB na si Avelino Dacanay para idiin sina Zapanta. Gayunman, isinaad sa desisyon ng DoJ na hindi sapat ang mga pahayag ni Dacanay at “pag-amin” niya bilang Pulang mandirigma.

“Ang pagkakabasura ng reklamong paglabag sa TFPSA of 2012 kay Zapanta ay patunay lamang sa paggamit ng mga ahente ng estado sa batas para gipitin ang mga organisasyon ng masa, development woker, at aktibista,” ayon sa STOP Exploitation. Dagdag ng grupo, walang ibang layunin ang paggamit sa batas kundi pagmukhaing terorismo ang pagbibigay serbisyo sa mga bulnerableng komunidad.

Ayon pa sa grupo, lalo ring inilantad ng kaso ang modus ng mga ahente ng estado na paggamit ng mga kunwaring dating rebelde para ipursige ang mga niluluto nilang kaso. Isiniwalat rin ng STOP Exploitation na si Dacanay na ginamit na “saksi” ng mga pulis ay dati nilang myembro at hindi “dating rebelde.”

Nagpasalamat si Zapanta sa lahat ng mga indibidwal, ang Iglesia Filipina Independiente (IFI), at mga grupong sumuporta sa kanya sa pagharap sa kaso. Aniya, “bilang isang Social Welfare Desk ng Stop-Exploitation, naninindigan ako na hindi kailanman mali ang tumulong sa mga magsasaka, mangingisda, katutubo, at iba pang bulnerableng sektor ng lipunan na patuloy na pinagkakaitan ng serbisyong panlipunan.”

Samantala, ipinahayag ng STOP Exploitation na magpapatuloy ang kanilang panawagan upang imbestigahan ang pagkasangkapan ng mga ahente ng estado sa batas para gipitin ang mga aktibista at mga manggagawang pangkaunlaran.

Matatandaan na naisiwalat noong huling bahagi ng 2024 na ang pagkakaso sa mga manggagawang pangkaunlaran, mga aktibista at iba pang grupo ng “terrorism financing” ay bahagi ng tinatawag na “Project Exit the Greylist” ng rehimeng Marcos. Dagdag dito, lumitaw rin ang 2021 “Order of Battle” kung saan nakalista sa mga sasampahan ng kaso ang kilalang mga taong simbahan, manggagawang pangkaunlaran at aktibista.

Source link