Mga taong simbahan sa Nueva Viscaya, kinundena ang planong pagmimina sa Dupax Del Norte

Kinundena noong Agosto 22 ng mga taong simbahan mula sa Consecrated and Religious ng Diocese ng Bayombong, Nueva Viscaya ang planong pagmimina sa Dupax del Norte.

Binigyan ng Mines at Geosciences Bureau ng exploration permit ang kumpanyang Woggle Corp noong Agosto 4, para aralin ang mineral na makukuha sa bayan. Planong sakupin ng kumpanya ang 3,102 ektarya ng lupa sa magubat na bahagi ng bayan.

“Nangangako ang mga kumpanya na may dalang trabaho at pag-unlad ang pagmimina, ngunit ang totoo, ang malawakang pagmimina ay magdudulot ng pangmatagalang epekto sa kalikasan, kalusugan at kabuhayan,” paliwanag ni Jose Elmen Mangalinao, obispo ng Bayombong.

Ayon sa pahayag, kilala ang Nueva Vizcaya bilang ‘watershed haven’ ng Region 2. Pinagmumulan ito ng malinis na ilog at mayroon itong matabang lupang agrikultural, at makapal na kagubatan. Kapag pinaghintulutan ang pagmimina sa Dupax del Norte, mawawalan ng malinis na tubig ang mga komunidad, mawawalan ng kabuhayan ang mga magsasaka at mangingisda; at mawawasak ang kagubatan na nagpuprotekta sa bayan mula sa pagbaha at pagguho ng lupa at lupaing ninuno ng mga katutubo.

“Bilang bahagi ng komunidad, naniniwala kami na ang tunay na yaman ng Dupax del Norte ay wala sa ilalim kundi nasa ibabaw nito-ang lupa, tubig, kagubatan at mamamayan,” ayon kay Mangalinao.

Nanawagan ang simbahan sa mamamayan ng Dupax del Norte, sa mga konseho ng barangay, kabataan, magsasaka, organisasyon at upisyal ng gubyerno na ipagtanggol ang bayan mula sa pandarambong sa kalikasan at pigilan ang planong pagmimina.

“Kailangan nating protektahan ngayon ang minana natin na kalikasan upang ang susunod na henerasyon ng Dupaxiano ay mamuhay sa isang komunidad na ligtas, sustenable at malaya mula sa pagsira ng pagmimina,” pahayag ni Mangalinao.

Ang Woggle Mining Corp ay subsidyaryo ng kumpanyang MTL Philippines Inc. at kaanib ng kumpanyang FCF Minerals Corp na namimina sa Runruno Gold Project sa Quezon, Nueva Vizcaya. Ang MTL naman ay subsidyaryo ng kumpanyang British na Metals Exploration Plc. Binili ng MTL Philippines ang Yamang Mineral Corp. na planong magmina sa Abra.

Source link