Nahaharap sa banta ng deportasyon si Bab Serafin, isang Pilipinong nag-aaral sa Australia, matapos niyang iulat sa awtoridad na naging biktima siya ng isang “ghost college” o hindi totoong paaralan sa South East Melbourne.
Ayon kay Serafin, walang maayos na klase, may bayad kapag dadalo sa klase, naniningil ng kung anu-anong bayarin at binibigay sa mga estudyante ang mga sagot sa mga assessment sa eskwelahan na kanyang dating pinasukan. Sa kabila ng paglipat niya sa isang lehitimong paaralan at pag-ulat sa panloloko ng eskwelahan, kinansela pa rin ng Home Affairs ng Australia ang kanyang visa. Kasalukuyan niyang hinihintay ang desisyon ng tribunal sa kanyang apila para manatili sa bansa at ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
Ang “education trafficking” ay terminong binuo ng Migrante-Aotearoa noong 2016 matapos nilang isadokumento ang mga kaso ng panloloko sa mga estudyante mula sa ibang bansa ng mga ahente sa imigrasyon, pribadong kolehiyo at mga kapitalista. Madalas dinadala sa Canada, Australia at Aotearoa ang mga studyante na nagiging biktima, mga bansa na nagbibigay ng pahintulot sa mga dayuhan na estudyante na tumira sa kanilang bansa para mag-aral.
Sa ganitong sistema, inaakit ang mga estudyante mula sa ibang bansa at pinapangakuan ng visa para mag-aral sa isang hindi totoong eskwelahan. Pagdating ng mga biktima ay binibitiwan na sila ng ahensya. Dahil wala silang dokumento ay hindi sila nakakukuha ng mahahalagang serbisyo, hindi nakahahanap ng trabaho, hindi nakabibili ng pagkain at nakakukuha ng matitirhan. Nababaon sila sa utang dahil sa dagdag pang mga sinisingil sa kanila ng ahensya. May ilang kaso kung saan ang mga estudyante ay ipinasok sa isang sakahan at pinagkaitan ng sahod.
Para sa mga Pilipinong estudyante, ang “education trafficking” ay nagsisimula sa Pilipinas kung saan pinapangakuan sila ng ermanent residency nang di dumadaan sa mga pagsusulit. Sinisingil sila ng mataas na ‘processing fee’ at ‘placement services’ na lalong nagbabaon sa mga biktima sa siklo ng pagsasamantala.
Ayon sa Migrante Melbourne, ang pekeng eskwelahan na unang napasukan ni Serafin ay nakapanloko na ng mahigit 500 Pilpinong estudyante mula 2018.
Noong panahon ng pandemya, maraming estudyante ang humingi ng tulong sa Migrante dahil sa panggigipit ng naturang eskwelahan. Pinipilit sila na magbayad ng $12,000 para sa hindi natapos na kurso.
Naisadokumento din ng organisasyon ang mga reklamo ng 42 estudyante tulad ng huwad na pangako na ‘residency’ sa Australia, di maayos na pagtuturo, mahal na singilin, at pekeng pagpapaenrol sa eskwelahan ng kanilang pinapasukan. Pinagbantaan din silang ipadedeport kapag magsumbong sila sa awtoridad.
Mula nang isapribado ang sektor ng edukasyon at pagsasanay sa Australia, naging talamak na ang panloloko sa sektor na ito. Noong 2024, may humigit 3,700 na pribadong institusyon ng pagsasanay sa bansa, na kumikita ng bilyun-bilyon mula sa mahigit 1 milyong dayuhang estudyante.
Dahil dito, napilitan na ang Australian Skills Quality Authority na ipasara ang kaduda-dudang mga kolehiyo at kanselahin ang mahigit 23,000 na kwalipikasyon ng mga estudyante na nag-aral sa mga kolehiyo na ito.
Sa kabla nito, hindi kinikilala ng bansang Australia ang “education trafficking” bagamat pasok dito ang tatlong elemento ng UN Traficking protocol tulad ng pagrekrut sa pamamagitan ng panloloko, pang-aabuso sa kahinaan ng biktima, at pagsasamantala sa ‘serbisyo’.
“Ang mga puwang sa batas na ito ang nagkakait sa mga estudyante tulad ni Serafin ng kinakailangan na proteksyon habang pinahihintulutan ang pang-aabuso na magpatuloy,” paliwanag ng Migrante Melbourne.
“Habang iniimbestigahan ng awtoridad ang malawakang pang-aabuso, dapat tayong manawagan ng mas maayos na regulasyon sa eskwelahan at sa kanilang rekruter sa Australia at Pilipinas. Nanawgan din kami sa gubyerno ng Pilipinas na alisin na ang labor export policy nito na nagtutulak sa mga Pilipino na magtrabaho sa ibang bansa at sa halip ay lumikha ng sustenableng trabaho sa bansa,” panawagan ng grupo.










